NAKAGUGULAT na tatlong backyard breeders mula sa iba’t ibang bahagi ng Filipinas ang sumungkit ng kampeonato sa pinakamalaki at prestihiyosong NATIONAL BAKBAKAN 12 STAG DERBY.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay nanalo ang taga-GAMEFOWL BREEDER OF EASTERN VISAYAS na si Barry Balana ng McArthur, Leyte kasama ang kanyang handler na si Jerry Totong Villamor. Si Barry ay isang OVERSEAS FILIPINO WORKER na nakabase sa New York at umuwi upang panoorin ang grand finals na ginanap sa ROLIGON MEGA COCKPIT.
Tila tulala si Barry nang aking makapanayam at mukhang ‘di pa siya makapaniwala na nagkampeon sa napakalaking labanan na ito. Sino nga ba ang hindi matutulala sa P30 million guaranteed prize na kanilang pinaghatian ng dalawa pang nagkampeon mula sa GAMEFOWL BREEDERS ASSOCIATION OF BOHOL (GBAB) AT UNITED ILOCANDIA BREEDERS ASSOCIATION (UNIGBA).
Makasaysayan ang taong ito dahil gumawa muli ng record ang BAKBAKAN nang ito ay magtala ng 8,213 entries, isang record na sumira sa 7,013 entries noong 2017. Saludo po ako sa ginawa ng pamunuan ng FIGBA, ang grupo na nagpapatakbo ng BAKBAKAN, nang kanilang ibaba ang entry fee mula 16,500 sa 14,500 na lamang.
Sa 8,213 na kalahok ay 44 lamang ang umiskor ng perfect 7 na panalo at tatlo sa mga ito ang nag-uwi ng karangalan sa kanilang local association.
Mula sa BOHOL ay isang SEAMAN BREEDER ang nag-uwi ng kampeonato sa GBAB, si Alberto Bongosia na ayon sa kanya ay pawang hingi lamang ang mga palahing kanilang ginamit. Sino ba ang mag-aakala na isang backyard breeder ang tatanghaling kampeon na ang mga pinagpilian ay kakaunti lamang dahil 100 sisiw lang ang kanilang napabanded? Kapalaran, suwerte o ano pa man, pinatutunayan lamang nito na kahit na sino ay may pag-asang magwagi sa BAKBAKAN. At akin pang nabalitaan na si DA BOY, ang tawag kay Alberto Bongosia, ay isang entry lamang ang isinali at ‘yung taga-Leyte na si Barry Balana at taga-Ilocos ay dalawa lamang ang entry sa labanang ito.
Lubhang mahiwaga ang sabong at kapana-panabik kaya napakaraming tao sa buong mundo ang nahuhumaling dito.
Ang UNIGBA naman o UNITED ILOCANDIA GAMEFOWL BREEDERS ASSOCIATION ay pang-apat na beses nang nasungkit ang kampeonatong ito sa panumuno ni Atty Wendel Chua .
Maraming nagtatanong kung paano nagsimula ang pasabong na ito. Ako po mismo ay saksi sa paglago ng BAKBAKAN mula 192 entries noog 2001 ay unti-unting pumanhik ang mga sumasali dahil na rin sa ganda ng palakad nito at napakaparehas na patakaran. Noong 2006 ay umabot sa 1,273 entries ang sumali at noon ay nagdiriwang na kami at sinasabing ito ay mahirap nang mapantayan.
RECORDS ARE MEANT TO BE BROKEN, ika nga. Ngayong 2018 ay isang patunay na kung PATAS, MAGALING AT MARANGAL ANG IYONG PAMAMALAKAD, SIGURADONG ANG TIWALA NG BAYANG SABUNGERO ANG SIYANG MAGPAPATIBAY SA SAMAHAN…
Mabuhay ang lahat ng bumubuo ng FIGBA AT BAKBAKAN!!!
Comments are closed.