MALAMANG ay sobrang excited ka nang magnegosyo. At malamang din, ang napiling mong paraan ay ang pagkakaroon ng online na negosyo. Bakit nga hindi? Bukod sa uso ito, malaki na rin ang naging sakop nito kaya naman pati ang malalaking retailer gaya ng SM at iba pa ay pumapasok na rin.
Ano nga ba ang pruweba na hinog na hinog na ang online business sa Filipinas?
Kung nakabili ka na sa mga online ecommerce platform gaya ng Lazada, Zalora, Shopee at iba pa, malamang may alam ka na sa laki ng industriyang ito. Sa mundo, nakilala si Jack Ma bilang malaking negosyante na mula Tsina, nang dahil sa Alibaba. Kaya naman marami nang nahihikayat na sumali sa ecommerce.
Pero bago ka tumalon, narito ang tatlong bagay na dapat mong malaman bago ka sumabak sa online business.
#1 Hanapin ang Iyong Merkado
Maaaring may mga napipisil ka nang mga bagay o serbisyo na ikakalakal mo online. Pero ang unang dapat mong pagtuunan ng pansin ay ang merkado na iyong bebentahan. Ang isang merkado ng mga kostumer na dapat mong pagsilbihan ay dapat maliit lamang. Huwag kang magkamaling targetin ang malaking merkado kaagad. Mas maliit, mas maiigi. Tandaan na mas malaki ang merkadong tina-target mo, mas malaki ang imbentaryo at marketing ang kakailanganin mo. Mas malaking kapital ang kailangan. At kahit na may sapat kang kapital, maaaring malaki rin ang maging talo mo kung ‘di mo pa kabisado ang bawat aspeto ng merkado mo.
Maging masinsin dito. Halimbawa, kung taga-Makati ang target mo, saang parte ng Makati ba? Sa may Ayala ba o sa may Bangkal? Magkaiba ang panlasa ng mga tao sa mga lugar na ito. Babe ba o lalaki ang target mo? Ano’ng edad? Ganoon ka dapat mag-target. Ang madalas kong payo kung ta-target ka nang masinsin sa online, isipin mong ikaw ay nagkakape kasama ang isang taong nais mong bentahan. Tatanungin mo siya at oobserbahan. Ayon sa datos na makukuha mo, malalaman mo ang klase ng produkto o serbisyo na maihahandog sa kanya. Tandaan, maraming tao ang gaya niya. ‘Yun ang pagsimulan mong gawin – masinsing pag-target – o sa Ingles, niche marketing.
#2 Magsimula sa Iyong Kasalukuyang Kostumer
Malamang, kilala mo na ang iyong maaaring maging kostumer. Doon ka mismo magsisimula. Gaya ng pagsala ng mga pangunahing kostumer, kailangan mo pa ring mag-market sa kanila. Ayon kay Bill Gates, “Content is King!” ‘Yan ang pangunahing gagawin mo. Isaayon ang lahat na maaari mong maging content gaya ng artikulo, blog, vlog, at marami pang iba. Dahil nasa online ang iyong merkado, digital marketing ang pangunahing sandata mo sa pag-market sa kanila. Ang social media ay balewala kung ‘di maayos ang programa mo sa content.
Kung nakuha mo na ang lahat ng mahahalagang datos sa unang salang mo sa online business mo, malamang, kaya mo nang palakihin ang bilang ng mga kostumer mo. Tandaan na mabilis kumalat ang masamang review ukol sa masamang serbisyo online. Kaya ang motto mo dapat: excellent service!
#3 Tamang Mindset ang Kailangan Mo sa Online Business
Ibang-iba ang pagnenegosyo online kompara sa ‘brick and mortar’ na business. Isipin mo na mahalaga ang masinsin na pag-aaral sa maraming aspeto ng negosyo. ‘Di naman importante ang pagiging techie. Ang mahalaga ay ang mindset mo na marami kang kalaban sa atensiyon sa online busi-ness. Marami ring plataporma na puwedeng gamitin na dapat ding pag-aralan. Huwag kang hihinto sa pagsaliksik sa kung ano ang mga dapat gawin at ‘di dapat gawin online.
Sa pag-establish ng online business, kailangan ng tiyaga at pagsasaliksik ng aayon sa negosyo mo. ‘Di lahat ng ginagawa ng iba ay gagawin mo din. Piliin ang naaayon sa iyong produkto, serbisyo at merkado. Tandaan ang dalawang bagay na ito: “Content is King” at “Service Excellence.”
oOo
Si Homer Nievera ay isang digital transformator at founder ng Negosentro.com na tumutulong palawigin ang kaalaman sa internet at teknolohiya para maiangat ang kabuhayan ng mga Filipino. Kung may katanungan, magpadala ng mensahe sa [email protected] o hanapin siya sa Facebook.com/thepositivevibespage.
Comments are closed.