DALAWA hanggang tatlong ‘tropical cyclones’ o mga bagyo ang inaasahang papasok sa Philippine area of responsibility (PAR) para manalasa ngayong buwan ng Hulyo.
Sinabi ni Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) weather forecaster Aldczar Aurelio, ang mga inaasahang bagyong papasok sa bansa ay posibleng manalasa sa Southern at Northern Luzon o maaari ring mag-iba ng direksiyon patungong Silangan.
Ang mga bagyo ay papangalanang Falcon, Goring, Hanna, Ineng, Jenny at Kabayan. Nabatid na may average na 20 bagyo ang papasok sa bansa kada taon.
Samantala, huling namataan ang sentro ng bagyong “Egay” 195 kilometro silangan ng Aparri, Cagayan. Ito ay may lakas ng hangin na aabot sa 45 kilometro kada oras malapit sa gitna at pabugso-bugsong hangin na 60 kilometro kada oras. Ngayong araw (Hulyo 2) ay tinataya namang 60 kilometro kanluran ng Basco, Batanes, at asahan na lalabas ito ng PAR bukas (Hulyo 3). BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.