LAGUNA -DAHIL sa maghapon at magdamag na ulan sa lalawigang ito, tumaas ang tubig sa lawa na humantong sa pag-apaw ng malalaking ilog sa mga bayan ng Sta.Cruz, Lumban, Cavinti, Pagsanjan, Siniloan , Mabitac, Famy at Sta. Maria.
Lumubog sa baha ang mga barangay sa bayan ng Sta.Cruz na nasa tabi ng lawa ng Laguna de Bay gayundin ang ilang barangay sa bayan ng Pila, Victoria at Bay.
Sa mga bayan naman ng Siniloan , Mabitac, Famy at Sta Maria, hindi na madaanan ang kahabaan ng highway patungong Manila at lumubog ang halos 18 barangay sa mga nasabing bayan dulot ng pag- apaw ng tubig sa Mabitac River.
Ayon kay Edwin Rellosa Santelices , special assistant to the Mayor ng Siniloan, Laguna na hindi na madaanan ng anumang uri ng sasakyan ang Manila East Road na siyang nagsisilbing gateway ng mga motorista mula Laguna at Quezon.
Base sa tala ng Laguna Disaster Risk Reduction Management office, aabot sa 500 pamilya ang nailikas na sa mga evacuation center at nabigyan na rin ng tulong ng mga lokal na LGU at tanggapan ng DSWD.
Isa naman ang namatay sa bayan ng Victoria, Laguna nang malunod sa dagat habang nangingisda sa kasagsagan ng lakas ng hangin dulot ng bagyong Paeng.
Ang biktima ay nakilalang si Francis Larano, 41-anyos, may- asawa at residente ng Bayside, Barangay San Roque ng nabanggit na bayan.
Ayon sa pahayag ni Major Aguilar, chief of police ng Victoria ay inabutan ng malalakas na alon ang biktima at hindi na nito nakayang languyin ang pampang sanhi sa lakas ng alon sa dagat. ARMAN CAMBE