3 BAYAN SA S. COTABATO ‘PINALUBOG’ NG HABAGAT; KABAKAN, N. COTABATO NASA STATE OF CALAMITY

COTABATO

DAHIL sa masungit na pa­nahon bunsod ng habagat tatlong bayan sa lalawigan ng South Cotabato ang lubog sa baha habang naitala rin ang pagguho.

Ito ang kinumpirma ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Chief Mila Lorca.

Ayon kay Lorca, ang flashflood ay naitala sa Brgy. Poblacion , T’boli at ang pagguho ay sa Barangay Palo 19, Tampakan.

Kaagad naman umanong nasolusyonan ang problema ng mga residente sa lugar kung saan passable o madadaanan na ang mga kalsadang natabunan ng gumuhong lupa.

Samantala, nagkaroon ng flash flood sa Barangay Canajay, Surallah, South Cotabato, dahil sa pag-apaw ng tubig sa ilog na umabot sa provincial road.

Nagpasalamat naman ang opisyal na kahit may naitalang mga kalamidad sa probinsiya, hindi naman ito nagdulot ng malaking pinsala.

Nanawagan na lamang ang opisyal sa mga mamamayan na maging alerto at makinig sa advisories sa radyo upang makapag­handa laban sa kapahamakan lalo na sa posibilidad na pananalasa ng panibagong bagyo sa bansa.

12 BARANGAY LUBOG DIN SA BAHA

Samantala, inilagay na rin sa state of calamity ang Kabakan, North Cotabato nang 12 sa ba-rangay nito ang lubog din sa baha dahil sa patuloy na pag-ulan.

Inaasahan naman na papasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo na may international name na Maria at kapag pumasok na sa bansa ay tatawaging Gardo.       EUNICE C.

Comments are closed.