3 BIG TIME TULAK TIKLO SA P387.6-M SHABU

NASAKOTE ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Group (PDEG), Quezon City Police District (QCPD) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tatlong bigtime tulak na nakumpiskahan ng aabot sa P387.6 milyong halaga ng shabu matapos na kumagat sa buy-bust operation sa Quezon City nitong Miyerkules ng umaga.

Kinilala ni PDEG Director BGen Randy Peralta ang mga nadakip na sina Gibbael Arcega, 32-anyos; Mikkael Arcega, 29-anyos, at Ramil Ramos, 39 anyos.

Base sa inisyal na ulat, dakong alas-10:30 kahapon ng umaga nang isagawa ang drug ope­ration sa Shell Station na matatagpuan sa kahabaan ng Mindanao Ave­nue sa Quezon City.

Isang pulis ang bumili ng shabu subalit nakatunog ang suspek na si Ramos na nagbunot ng baril at binaril ang pulis.

Dahil dito, alerto namang nakaiwas ang pulis at mabilis na pinutukan si Ramos na nagtamo lamang ng sugat sa katawan.

Agad naman na sumuko ang magkapatid na Arcega sa mga awtoridad.

Nakumpiska mula sa tatlo ang 57 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P 387.6 milyon, Nissan Urvan na may plakang NBX 3844 at caliber .45

Nakapiit na ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Act of 2002. EVELYN GARCIA