PARAÑAQUE CITY -NAISALBA ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang tatlong lalaki na hinihinalang biktima ng human trafficking.
Ang tatlong ito ay natanggap bilang mga trabahante sa popular destination sa Jeju, South Korea subalit nasabat ang mga ito ng mga tauhan ng travel control and enforcement unit noong Enero 22 sa departure area ng NAIA Terminal 1.
Pasakay na sana ang mga ito sa eroplano na may destinasyon pa-Hong Kong at lilipat sana sa Jeju Island, South Korea.
Ayon kay BI-TCEU chief Ma. Timotea Barizo nagkunwaring turista ang mga ito sa Korea.
Nadiskubre ng kanyang mga tauhan na peke ang mga dokumento dahil walang naipakitang proof of local employment.
Ngunit kalaunan inamin ng tatlo na na-recruit sila sa pamamagitang Facebook at ang lalaking kausap nila ang nag-book ng flight papuntang Korea.
Inamin din ng tatlo na nagbayad sila sa recruiter ng P30,000 bawat isa. FROI MORALLOS
Comments are closed.