MALABON CITY – TATLONG bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki ang natagpuan na pawang hinihinalang biktima ng salvage sa magkahiwalay na lugar kahapon ng madaling araw sa lungsod na ito.
Itinawag ng mga residente ng Barangay Dampalit ang pagkakatagpo sa dalawang lalaking kapuwa nakagapos ang mga kamay at may busal sa bibig na natagpuan dakong alas-4 ng madaling araw sa dumpsite sa M. Sioson St. sa naturang barangay.
Hinihinalang pinatay sa sakal ang isa sa mga biktima habang tama naman ng saksak ang tinamo ng isa pa bago sila itinapon sa naturang lugar.
Kasabay nito, natagpuan din ang isa pang hindi pa kilalang lalaki na sinasabing biktima rin ng salvage habang nakatali rin ang mga kamay at may busal sa bibig at tadtad ng saksak ng ice pick ang katawan sa Pinasabugan St., Brgy. Longos.
Lumabas sa imbestigasyon nina P/Ssgt. Phillip Apostol at P/Ssgt. Ernie Baroy na posibleng pinatay ang mga biktima sa ibang lugar at magkakahiwalay na itinapon upang iligaw ang pagsisiyasat na isasagawa ng pulisya.
Ayon kay Baroy, napag-alaman nila na isa sa mga biktima ay kinuha na ng kanilang kaanak bagama’t wala pa silang impormasyon ng pagkakakilanlan nito. EVELYN GARCIA
Comments are closed.