3 BRGY PEACE KEEPING OFFICERS NIRATRAT

MAGUINDANAO- DINILIG ng dugo ang halalan sa Mindanao nang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin ang tatlong miyembro ng barangay peacekeeping action team (BPAT) habang isa pa ang malubhang nasugatan malapit sa isang polling precinct sa bayan ng Buluan sa lalawigang ito kahapon ng umaga.

Sa ulat na ibinahagi ng 16th Military Intelligence Company (16th MICO), isinagawa ang pamamaril sa may likurang bahagi ng Pilot Elementary School sa Buluan, ilang sandali lamang makaraang tumulong ng mga kasapi ng BPAT members sa pagbabantay sa polling precinct sa paaralan.

Sa ulat ni Col. Jibin Bongcayao, Maguinda­nao provincial police director, nahinto pansamantala ang botohan sa Buluan Central School dahil sa insidente ng pamamaril bandang alas-8:15 kahapon ng umaga.

Nabatid na naka-duty ang apat na BPAT sa area nang sumalakay ang mga suspek lulan ng dalawang van na biglang huminto sa kanilang tapat at saka pinaulanan sila ng bala.

Dead on the spot ang mga biktima habang sugatan naman ang isa pa.

Hinihinalang pananabotahe sa eleksyon o kasong pulitikal ang motibo ng mga salarin dahil sinasabing pawang supporters umano ng reelectionist at incumbent Buluan Mayor Babydats Mangudadatu ang mga biktima.

Kapwa nagsasagawa ngayon ng pagsisiyasat ang PNP at militar sa pangyayari para tukuyin ang mga nasa likod ng pamamaril. VERLIN RUIZ