3 BRGYS SA NAVOTAS COVID-FREE NA

Toby Tiangco

TATLONG barangay na sa Navotas City ang COVID-free na matapos ang zero active COVID-19 cases ang maitala sa Barangay Bagumbayan North, Bagumbayan South at San Rafael Village.

Anim naman  ang  gumaling sa COVID-19 sa lungsod noong Oktubre 15, ngunit may nadagdag namang  limang bagong kumpirmadong kaso.

Umabot na sa 5,031 ang tinamaan ng CO­VID-19  sa Navotas kabilang dito ang 144 na namatay, 114 na lang ang active cases at 4,773 na ang gumaling.

“Natutuwa po tayo na pababa na ang bilang ng mga nahahawaan sa ating lungsod. Nagpapasalamat din tayo sa lahat ng mga patuloy na sumusuporta sa ating kampanya laban sa COVID-19 sa pamamagitan ng pagsunod sa mga safety measures,” ani , Mayor Toby Tiangco.

Gayunpaman, pinaalalahanan ni Tiangco ang nasasakupan na patuloy na mag-ingat dahil nariyan pa rin ang pa­nganib ng nakamamatay na virus.

Samantala, pinangunahan ni Cong. John Rey Tiangco ang pagtanggap ng 290,135 face masks mula kay Social Welfare and Development Undersecretary  Rene Glen Paje bilang bahagi ng “Libreng Masks Para sa Bayan” na programa ng DSWD.

May nauna nang 4,000 masks na ibinigay ang DSWD noong bumisita ang Coordinated Operations to Defeat Epidemic (CODE) team sa Navotas noong Set­yembre.

Ang mga mask ay ipamamahagi sa mga mahihirap na pamilyang Navoteño. EVELYN GARCIA

Comments are closed.