KINUMPIRMA ng Malacañang na sinuspende na ng gobyerno ang lahat ng backchanneling talks sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Sa press statement sinabi ni government negotiator Hernani Bragaza na tatagal ng talong buwan ang nasabing suspensiyon upang bigyang daan ang pagrerebisa sa lahat ng mga nilagdaang kasunduan kaugnay sa peace negotiations.
“In a meeting… the government team also conveyed the Philippine government’s decision to suspend all backchannel talks with the NDF pending the three-month review of all signed agreements related to the peace negotiations,” wika ni Braganza.
Ayon kay Braganza, naiparating na rin ang desisyon ng gobyerno ng Filipinas sa mga National Democratic Front (NDF) leader sa Norway na pinangunahan ni NDF Chief Negotiator Fidel Agcaoili at Chief Political Consultant Jose Ma. Sison.
Nilinaw ni Braganza na ang suspensiyon ay hindi naman magiging hadlang sa pag-uusap ng dalawang panig kung kinakailangan.
Pormal na ipinabatid ni Braganza kay NDF chief negotiator Fidel Agcaoili at CPP founder Jose Maria Sison ang pagsuspende ng gobyerno sa lahat ng backchanneling talks.
Sa nasabing meeting ipinaabot din naman ng mga kinatawan ng NDF ang kanilang pagiging bukas at pag-unawa sa naging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na hintayin muna ang gagawing review ng gobyerno bago ang pagpapatuloy ng peace negotiations.
Magugunita na inihayag din ni Pangulong Duterte na mas nais niyang sa Filipinas na lamang gawin ang peace talks kaysa sa ibang bansa.
Nakatakda sanang ganapin sa Oslo, Norway sa Hunyo 28 ang pagpapatuloy ng negosasyon sa peace talks subalit pansamantalang kinansela ng Pangulong Duterte upang magbigay-daan sa public consultations. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.