TULUYAN ng nasakote ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang apat na indibidwal na bahagi ng sindikato na responsible umano sa kidnap for ransom at pagpatay sa mga Chinese national.
Kinilala ni NBI OIC-Director Eric B. Distor ang naaresto na Chinese national na sina Li Tao Tao at Huang Bao Jian na naaresto sa isang Chinese restaurant sa Pasay City dahil sa pagbebenta ng tatlong hindi lisensyadong baril na Glock 22 cal. 40, Glock 30 cal. 45 at Springfield XD-9 Subcompact 9mm; Marck Rovel De Ocampo alias Erick Isaytono de Ocampo na itinurong gun supplier.
Bunsod nito, isang follow up operation ang ginawa sa Aseana City sa Parañaque laban sa financier at leader ng crime group na parehong dayuhan.
Nabatid, nang ipag-utos ng operatibang NBI-IOD sa mga suspek na lumabas mula sa kanilang tinted na sasakyan, tumanggi ang mga ito at pinaharurot ang kanilang sasakyan.
Dahil dito, nagkaroon ng putukan kung saan nakatakas ang mga suspek at ipinaalarma naman ng mga operatiba sa PNP na arestuhin ang mga suspek kung makita ang sasakyan ng mga sa kanilang area of responsibility.
Natagpuan ng NBI-IOD ang nasabing sasakyan sa isang parking area kung saan si Yu Jingdong, isang Chinese national ay isinugod sa ospital matapos na tamaan ng bala sa palitan ng putukan habang ang isang Sy Tuan Dat, isang Vietnamese ay natagpuang patay sa sasakyan.
Matatandaan na noong Pebrero 15 si Yu JingDong ay inaresto sa Okada Hotel dahil sa illegal possession of firearms at ammunition at kinasuhan sa Parañaque Prosecutors Office.
Sa nasabi rin buwan, si De Ocampo ay kinasuhan ng Kidnapping for Ransom at Serious Illegal Detention sa ilalim ng Article 267 of the Revised Penal Code, R.A.8353 (Rape) at paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act of 2012 at Sec 261 ng BP 881 (Omnibus Election Code in relation to Comelec Resolution No.120728). PAUL ROLDAN