MATAGUMPAY na nahuli ng Southern Police District ang tatlong lalaking Chinese sa pagpapatupad ng search warrant kamakalawa ng madaling araw sa loob ng condo unit ng mga ito na matatagpuan sa Seaside Boulevard, MOA Complex, Pasay City.
Ang naturang mga suspek ay kinilala ni BGen Kirby John Kraft, District Director ng Southern Police District (SPD) na sina Wu, Zhangjian @ Michael Wang, 32-anyos; Jiang, Guanglin, 28-anyos at Mao, Wei, 23-anyos.
Nasakote ang mga suspek matapos na ihain ng pinagsanib na puwersa ng District Special Operation Unit-Southern Police District kasama ang mga elemento mula sa DSOU-SPD, DDEU-SPD, DID, DMFB, ang search warrant No. 23-003 na inisyu ni Presiding Judge Rowena Nieves A. Tan para sa paglabag sa RA 10591.
Agad na nagsagawa ng search operation ang SIS Pasay CPS, Northern NCR Maritime Police Station at 3rd SOU, Maritime Group na nagresulta sa pagkakaaresto sa naturang mga suspek.
Narekober sa operasyon ang isang unit ng Glock 26, caliber 9mm, kargado ng isang magazine at sampung live ammunitions, isang revolver handgun, apat na live ammunitions at isa ng revolver chamber.
Nasamsam din ang tatlong heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng shabu na tumitimbang ng 11 gramo na may halagang SDP na P74, 800.00, anim na pirasong plastic tube, anim na pirasong glass tooter, dalawang glass panel, dalawang plastic bottle na may likidong nilalaman at nababaluktot na tubo at tooter, isang plastic na lalagyan na may likidong nilalaman at plastic na tubo at isang digital weighing scale.
Ang mga naarestong suspek ay mahaharap sa mga kasong paglabag sa RA 10591 at Section 11, 12 at 15, Article II ng RA 9165.
“Ang operasyong ito ay sumasalamin sa dedikasyon ng PNP sa pagpuksa sa iligal na droga at pagsugpo sa paglaganap ng mga baril, pag-iingat sa ating mga komunidad mula sa mga banta na kanilang dulot. Ang PNP ay patuloy na makikipagtulungan sa iba’t ibang mga yunit at ahensya upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan, habang hinahabol ang mga taong lumalabag sa ating mga batas hanggang sa lubusan,” ani NCRPO chief MGen. Edgar Alan Okubo.
EVELYN GARCIA