3 CHINESE KIDNAPPERS, 2 PA NALAMBAT

KALABOSO ang bagsak ng limang indibidwal kabilang ang tatlong Chinese national makaraang maaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) dahil sa pag-kidnap umano sa tatlo nilang kababayan.

Mahaharap sa kasong Kidnap for Ransom (Art 267, RPC) at Comprehensive Firearm and Ammunition Regulation Act (RA 10591) ang mga naaresto na sina Wang Joe, 28-anyos; Ouyang Fuqing, 32-anyos; Chai Xin Yuan, kapwa Chinese national at pansamantalang nanunuluyan sa Bayfort West, panulukan ng Mabini St., at P. Gil St., Malate, Maynila.

Arestado rin ang kanilang kasabwat na sina Kenneth Querubin, 39-anyos, residente sa 1018-C Concepcion Aguila, Maynila at si Noel Fame Dioneda ng 346 Paoay Road, Marian Park St., Martin De Forest, Parañaque City.

Ayon sa MPD-Station 5, bandang alas-10 ng gabi nitong Huwebes nang maaresto ang mga suspek makaraang makatanggap ng reklamo mula sa isa ring Chinese national na si Jeff Wang na kasamahan ng mga biktima na sina Yang Han, Xu Wen Yang at Cui Shao Kun, kapwa nanunuluyan sa Malate,Maynila.

Sa reklamo ni Wang ,kapwa sila nasa Remedios Street, Malate, Maynila ng mga biktima nang dukutin ng mga suspek ang kanyang mga kaibigan at isinakay sa isang van.

Humirit ng ransom ang mga suspek na halagang P3 milyon kapalit ng pagpapalaya sa mga biktima.

Matapos matanggap ang reklamo, agad na nagpadala ng tauhan si Lt.Col John Guiagui ng tauhan para sa entrapment operation kasama ang mga operatiba ng Tactical Motorcycle Rider Unit .

Sa panulukan ng Mabini St., at P. Gil St., Malate naispatan ni Wang at mga operatiba ang mga suspek kaya agad silang pumosisyon at inaresto ang mga ito.

Nasagip naman ang mga biktima sa loob ng Toyota Hi Ace Commuter Deluxe na may plakang NDM 8999.

Samantala, ibinunyag din ng mga biktima na sila ay ikinulong sa Bayport, Paranaque ng ilang araw kung saan sila sinasaktan at hindi pinakapakain.

Sa nasabing operasyon,nakuha sa mga suspek ang isang baril at mga bala. PAUL ROLDAN