3 CHINESE NINAKAWAN NG GAMIT, CASH AT GADGETS

CAVITE- HINDI akalain ng tatlong turistang Chinese na malilimas ang kanilang mga gamit at pera sa isang apartelle na kanilang tinuluyan sa Tagaytay para lamang mamasyal sa nasabing lugar.

Dumulog sa tanggapan ng Tagaytay City police sina Chen Go Zheng, 49-anyos; Junie Lao Guath, 43-anyos at Redentor Nove Lu para ipa-blotter ang pagkawala ng kanilang mga gamit, pera at gadgets sa tinitigilan nilang apartelle sa nasabing lungsod.

Ayon kay Zheng, lumabas silang tatlo dakong alas-7 ng umaga nitong Linggo para magtungo sa view deck ng isang restaurant at mag- selfie kung saan tanaw ang crater ng Taal volcano.

Natagalan umano sila dahil sa ginawa nilang pamimili ng prutas sa Tagaytay Market.

Nang makabalik na sila sa tinutuluyang apartelle, tumambad sa kanila ang mga nakasabog nilang mga gamit at wala na ang kanilang cash at gadgets.

Nakuha kay Zheng ang halagang P403,000, US$300, cellphones at gadgets gayundin, nawala naman sa gamit ni Lao ang bank card nito at mobile phone.

Sinabi ni Lt. Col. Jun Penafiel Oruga, Tagaytay police chief na susuriin nila ang lahat ng CCTV sa lugar kung saan nakatigil ang mga biktima at ang mga lugar kung saan dumaan ang mga kawatan. ARMAN CAMBE