NASAKOTE ng mga operatiba ng Parañaque police Tambo Sub-Station ang tatlong Chinese national matapos ilegal na ikulong ang kanilang kababayan sa lungsod.
Sa report na isinumite ni Parañaque police chief Col. Renato Ocampo sa Southern Police District (SPD) ay nakilala ang tatlong inarestong suspek na sina Wang Dingding, Ying Jian at Yong Jin Ong.
Sinabi ni Ocampo, matagumpay na naisagawa ang pag-aresto sa tatlong Chinese national dakong alas 2 ng hapon sa Casino Resort and Hotel na matatagpuan sa Barangay Tambo, Parañaque City.
Ayon kay Ocampo, tinawagan ng biktimang si Zhou Qing, 33-anyos ang kanyang kasintahang Pinay na kinilalang si Anne Rose Valenzuela Burca na nagsabing ikinulong siya ng mga suspek matapos siyang matalo ng P500,000 sa casino.
Dagdag pa ni Burca na sinabi pa ng biktima na ibebenta siya sa ibang kumpanya ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) kapag hindi niya nabayaran ang halagang P500,000.
Makaraang matanggap ni Burca ang tawag mula sa kanyang nobyo ay agad siyang humingi ng tulong sa mga nakatalagang security guards sa casino kung saan nailigtas ang biktima at naaresto si Dingding na dinala sa Tambo police Sub-Station para sa imbestigasyon.
Sa istasyon ng pulisya ay lumutang ang dalawa pang suspek na sina Jian at Ong upang tulungan ang kanilang kaibigan na si Dingding at maayos ang problema nito ngunit nang makita ang mga ito ng biktima ay kanyang ininguso sa mga pulis na ang dalawa ay kasabwat ni Dingding kung saan sina Jian at Ong ang pumigil sa kanya na umalis sa kuwartong kanyang kinaroroonan at nagsabi rin sa kanya na ibebenta siya sa ibang kumpanya ng POGO.
Sa pagkakanguso ng biktima sa dalawa pang suspects ay nagsama-sama ng ikinulong sa Parañaque police custodial facility ang tatlong suspects na nahaharap sa kasong illegal detention. MARIVIC FERNANDEZ