3 CITIES SABAY-SABAY NAGSAGAWA NG JOB FAIRS

job fair

LABING-APAT na kumpanya ang lumahok sa sabay-sabay na pagsasagawa ng job fairs sa mga lungsod ng Las Piñas, Pasay at Parañaque nitong Hunyo 14 na may kaugnayan sa selebrasyon ng ‘Araw ng Kalayaan.’

Sa lungsod ng Las Piñas ay mayroong 13 indibidwal na naghahanap ng trabaho ang natanggap mismo ‘on the spot’ sa isinagawang job fair na nag-aalok ng 1,410 bakanteng puwesto sa trabaho ng 14 na kumpanyang lumahok sa programa sa pakikipagtulungan ng Public Employment and Services Office (PESO).

Kabilang sa mga kumpanyang lumahok sa job fair ay ang Lucky Star Service, Placement Inc., Unisolutions Manpower Services, Academy Ope­rations, CNT Promo and Ads Specialist INc., Cablelink Holdings Corp., Hernando Manpower Services, AEMS Inc., LTC Multiservice, Phoenix Southern Petroleum, St. Emilion, Savory Fastfood Inc., Aeroplus MultiServices, at BJRP Marketing.

Ayon sa pamahalaang lungsod, ang 13 aplikanteng ‘on the spot’ na natanggap sa trabaho ay kabilang sa mahigit 400 aplikante na bumisita para maghanap ng trabaho sa nabanggit na job fair.

Sa Pasay City, isinagawa naman ang job fair sa Cuneta Astrodome mula alas-8 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon.

Nag-alok ang lokal na pamahalaan ng one-stop-shop para sa kanilang requirements sa paghahanap ng trabaho sa naturang okasyon.

“Pagsulong sa Hamon ng Panibagong Bukas” naman ang tema ng job fair sa Parañaque City na isinagawa sa Fortunata Gym sa Fortunata Village, Barangay San Isidro.

Ayon pa sa lokal na pamahalaan, magsasagawa pang muli ng isa pang job fair sa ibang barangay sa lungsod upang matulungan na makahanap ng trabaho ang mga residente na matinding naapektuhan ng pandemya na dulot ng COVID-19. MARIVIC FERNANDEZ