3 DALAGITA NASAGIP SA ONLINE SEX SYNDICATE

CAVITE – NASAGIP ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation – Anti- Human Trafficking Division (NBI-AHTRAD) ang tatlong menor-de-edad na babae na biktima ng sindikato ng Online Sex Exploitation of Children makaraang isagawa ang rescue operation sa bahagi ng Dasmarinas City, Cavite noong Biyernes.

Sa inisyal na ulat ni NBI officer-in-charge Eric Distor, nakatanggap sila ng intelligence report mula sa Federal Bureau of Investigation (FBI) na may isang Pinay na nanay na nakipag-ugnayan sa grupo ng sindikato ng Online Sex Exploitation of Children na nakabase sa US kung saan ibinugaw nito ang kanyang anak na babaeng menor de edad at dalawa pang dalagita kapalit ng malaking halaga noong 2018 at unang buwan ng 2019.

Nabatid na ipinadala ng suspek na Pinay ang mga hubad na larawan ng 3 dalagita sa pamamagitan ng sikat na social media kung saan nagustuhan naman ng sindikato ang “child porn materials”.

Ayon pa sa ulat, nakatanggap ng $2,680 ang suspek mula sa sindikato ng online sex exploitation noong Abril at Agosto, 2019.

Gayunpaman, naunang ipinadala ng FBI ang intelligence report sa Philippine Internet Crimes Against Child­ren Center kung saan ipinasa naman sa NBI-AHTRAD para sa malalimang imbestigasyon.

Natukoy naman ng mga operatiba ng NBI-AHTRAD ang pagkakakilanlan ng suspek kaya isinailalim sa surveillance operation ang bahay nito.

Kaagad na nakipag-ugnayan ang mga operatiba ng NBI sa pamunuan ng eskuwelahan kung saan ang dalawa pang biktima ay estudyante kaya nakuha ang address ng tirahan at kung sino ang mga magulang.

Mabilis na isinagawa ang rescue operation noong Ene­ro 8 (Biyernes) ng mga operatiba ng NBI katuwang PNP– Women and Children Protection Center at Dasmariñas City Social Welfare and Development Office kung saan nasagip ang mga biktima na kasalukuyang nasa pangangalaga ng CSWD sa Rizal.

Hindi naman binanggit sa ulat ang Pinay na suspect na nasakote rin kung saan dinala ng mga operatiba ng NBI. MHAR BASCO

Comments are closed.