BINAYO nang todo ng Typhoon Julian ang Northern Luzon na pinangangambahang magdulot ng mga pagbaha ngayong nagpakawala na ng tubig ang tatlong dam para mabawasan ang epekto ng tuloy tuloy na pag ulan.
Nauna rito, sinabi ng PAGASA na ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No.4 ay nananatiling nakataas sa Batanes at hilagang bahagi ng Babuyan Islands habang mabagal ang naging pagkilos ng bagyong Julian nang dumaan malapit sa Sabtang Island, araw ng Lunes.
Nabatid na nagbukas ng kani-kanilang gate ang tatlong dam sa Luzon bilang paghahanda sa posibleng dami ng ulan na dala ng Bagyong Julian.
Ang mga dam na ito ay ang Ambuklao at Binga Dam sa Benguet, at Magat dam na nasa pagitan ng Ifugao at Isabela.
Simula umaga ng Lunes, Setyembre 30, isang gate ang nakabukas sa Ambuklao Dam sa 0.50 meter.Ang lebel ng tubig sa reservoir nito ay nasa 750.51 meters, o malapit sa 752-meter normal high water level (NHWL).
May dalawang gate naman na nakabukas sa isang metro sa Binga Dam nang maabot nito ang lebel ng tubig na 574.25 meters, o malapit sa 575-meter NHWL.
Samantala, ang Magat Dam ay may isang gate din na bukas sa isang metro sa lebel ng tubig ng reservoir na nasa 184.78 metro. Ang NHWL nito ay 190 meters
Umabot na sa 828 katao mula sa 284 na pamilya ang inilikas ngayon sa pananalasa ng bagyong Julian sa probinsya ng Cagayan.
Nakatutok din si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa sitwasyon at epekto na posibleng idulot Bagyong Julian sa Northern Luzon.
Tiniyak ng Pangulo na handa rin ang gobyerno sa posibleng epektong idulot ng bagyo sa Ilocos Region.
Sa monitoring ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) kahapon, anim na bayan ang nagsagawa ng pre-emptive evacuation kabilang ang Sta. Praxedes, Gattaran, Calayan, Pamplona, Gonzaga, at Sta.Ana dahil sa tuloy-tuloy na buhos ng ulan na dulot ng bagyo.
Sa ngayon, nanatiling naka-red alert status ang PDRRM Council at naka-standby rin ang lahat ng kanilang personnel. Sinabi ni Rueli Rapsing, Officer-in-Charge ng PDRRMO na nakahanda ang kanilang mga rescue equipment sa lahat ng mga station ng Task Force Lingkod Cagayan-Quick Response Team (TFLC-QRT) sa kanilang tanggapan na handang gamitin sa oras na kailanganin.
Bunsod ng mga pag ulan, pinangangambahang maapektuhan ang kabuuang 108,767 ektarya ng mga palayan sa bansa dahil sa pananalasa ng bagyong Julian, batay sa datos ng Philippine Rice Information System
Malaking porsyento nito ay mula sa Cagayan Valley region na umaabot ng hanggang 51,864 na ektarya. Ito ay pawang nasa probinsya ng Cagayan.
Sunod dito ay ang Ilocos Region na tinatayang may 46,911 ektarya na maaapektuhan. 25,731 ektarya ay mula sa Ilocos Norte habang 21,180 ektarya ay mula sa Ilocos Sur.
Sa Cordillera Administrative Region, inaasahang aabot sa halos sampung libong ektarya ng mga palayan ang maapektuhan.
Binubuo ito ng 4,238 na ektarya sa probinsya ng Abra at 5,754 na ektarya sa probinsya ng Apayao.
Samantala, batay sa kasalukuyang datos na hawak ng PRISM, malaking bahagi ng mga standing crops sa bansa ay nasa ripening stage o malapit ng maani. Ito ay may kabuuang 73,823 ektarya.
Umaabot naman sa 34,944 ektarya ang nasa reproductive stage habang 66,154 ektarya ang naani na bago pa man ang pananalasa ng bagyo.
Alas-3 ng hapon, huling namataan ang bagyong Julian sa coastal waters ng 80 km West of Basco, Batanes taglay ang lakas ng hangin na aabot sa 175 kilometro kada oras at pagbugso na hanggang 215 kph.
Kumikilos ito sa direksyong northwestward sa bilis na 15 KPH..
Sa forecast track ng PAGASA, kikilos ito sa pakanluran hilagang kanlurang direksyon sa Bashi Channel ngayong Lunes at liliko ng dahan-dahan pagsapit ng Martes.
Inaasahang magla-landfall ito sa Taiwan sa Miyerkoles.
“Julian may briefly leave the Philippine Area of Responsibility (PAR) during this period but bulletins are expected to continue,” ayon sa PAGASA.
“The typhoon will then cross the rugged terrain of Taiwan and emerge over the waters east of Taiwan by Thursday (3 October) morning. Afterwards, the typhoon will gradually accelerate northeastward towards the East China Sea and exit the PAR region on Thursday,” dagdag pa ng PAGASA.
VERLIN RUIZ