INDONESIAN BIZMEN PAPASOK SA PINAS

IBINIDA ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maraming Indonesian investors ang nais mamuhunan sa Pilipinas.

“Very enthusiastic naman ang mga ministers ni President Widodo, ‘yung mga prospects dito sa atin sa Pilipinas, and marami silang nakikitang mga opportunities. So we will pursue that,” ayon kay Marcos.

Dahil sa positibong mga nangyari sa 3-day state visit ni PBBM sa Indonesia, sinabi nito na hindi niya inaasahan na produktibo ang kauna-unahang pangangapitbahay niya.

Aniya, ipinasyal siya ni Indonesian President Joko Widodo sa isang mall na nagsi-serve ng one-stop-shop para sa lahat ng local products at nagki-cater ng micro, small, and medium-sized enterprises (MSMEs).

“And last night suddenly he invited us to see – to go to a mall. Bago nung dinner namin, pinuntahan namin ‘yung mall. ‘Yun pala, ‘yung mall na pinakita sa amin, gobyerno ang may-ari at saka ang produktong pinagbibili doon sa loob ng mall, lahat local, lahat MSMEs, lahat maliliit. Pagka masyado nang lumaki, hindi na sila pwede doon sa mall. Lilipat sila doon sa regular na mall,” dagdag pa ni Pangulong Marcos.

Nagkasundo rin ang dalawang lider na magtulungan para sumulong ang kanilang marketing strategies at business plans.

“And nag-agree na naman kami. Sabi niya, oo, kailangan natin turuan ‘yung packaging, ‘yung market, kung ano ‘yung hinahanap sa merkado, how do you business plan, ‘yung mga ganung klaseng bagay. Pareho sa atin,” pagdiriin pa ni Marcos.

Sinabi pa ni PBBM na ang matagal nang relasyon ng dalawang bansa ay pinatatag pa bilang “primary foundation” sa lahat ng mga pinasok na kasunduan.

Natapos ang tatlong araw na pagbisita sa Indonesia ni PBBM at agad itong nagtungo sa Singapore. EVELYN QUIROZ