LAGUNA- ANG bayan ng Kalayaan na halos tatlong dekada nang pinamamahayan ng New People’s Army sa ilalim ng pamamahala ni ka Gregorio Rosal ,alias “ Ka Roger” ay idineklarang insurgency free ng militar at pulisya matapos ang ginanap na Memorandum of Agreement (MOA) nitong Miyerkules ng hapon sa Kalayaan multi- purpose hall.
Ayon kay Brig. General Cerilo Balaoro Jr., Army 202nd Infantry Battalion Commander, ang Kalayaan ang kauna- unahang bayan sa Laguna na napasailalim ng Stable Internal Peace and Security (SIPS) status .
Ang MOA ay naisakatuparan ng inter- agency body kasunod ng halos ilang taon na walang insidente ng karahasan sa lugar na kagagawan ng mga rebelde at anumang recruitment activities ng CPP- National Democratic Front.
Dinaluhan nina Laguna police director Col. Harold Depositar, Governor Ramil Hernandez, DILG chief John M. Cerezo, General Cerilo Balaoro at Kalayaan Mayor Sandy Laganapan at iba pang stakeholders ang naturang kasunduan.
Umaasa si Laganapan na ang nasabing MOU ay magsisilbing daan para sa patuloy na pag unlad ng kanilang bayan.
Hinimok naman ng pamunuan.ng Laguna PNP at militar ang mga natitira pang mga rebelde sa Laguna na kusang sumuko sa kanilang tanggapan at tanggapin ang alok ng maganda at maayos na kabuhayan ng pamahalaan.
ARMAN CAMBE