MAYNILA – ARESTADO ang tatlong miyembro habang nakapuslit ang lider ng notoryus na Dengdeng Criminal Group at isa pa nilang miyembro sa isinagawang operasyon ng magkakasanib na tauhan ng Manila CIDG, SWAT at Smokey Mountain Police Community Precint sa Balut, Tondo kahapon ng madaling araw.
Naaresto sa bisa ng search warrant sina John Villanueva alyas Aljon ng 240 Rodriguez St., Balut, Tondo; Jonathan Reyes alyas Jonathan Timan at Tantan ng 240 -C, Rodriguez St., Balut, Tondo; at Virgilio Nico Santos, alyas Kambal ng 233 Rodriguez St., Balut, Tondo.
Habang hindi naman nadakma ang isa pa nilang miyembro na si Ron Bryan Legaspi alyas Bunso na taga-296 Rodriguez St, Balut, Tondo; at ang kanilang lider na si John Christian Atanacio, alyas Dengdeng ng 220 Interior 46, Dayao Ext, Balut, Tondo.
Isinagawa ang operasyon sa bisa ng search warrant na inisyu dahil sa paglabag sa RA 10591 o kilala nilang illegal possession of firearms ni Branch 89 Quezon City, Judge Cecilyn E. Burgos-Villavert.
Ayon sa pulisya, ang Dengdeng criminal group ay sangkot sa ilegal na pagbebenta ng shabu, robbery hold-up, gun for hire at carnapping.
Nakumpiska ng awtoridad sa operasyon ang ilang armas at shabu na nagkakahalaga ng P28,000.
Muling sasampahan ng kasong paglabag sa RA9165 kilala bilang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 at illegal possession of firearms ang mga suspek. PAUL ROLDAN