3 DRUG COURIER TIMBOG SA P34K SHABU

CAVITE – Sa kulungan magdiriwang ng Bagong Taon ang tatlong drug courier makaraang makumpiskahan ng P34K halaga na shabu sa isinagawang anti-illegal drug operation ng mga awtoridad sa bahagi ng Brgy. Talaba 6, Bacoor City, Cavite kahapon ng madaling araw.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 ang mga suspek na sina Fernando Ochoco y Aradaza, 53-anyos; Ryan Buna y Delos Reyes, Rolando Salvador y Tabirao, 45-anyos, pawang nakatira sa nasabing barangay.

Sa inisyal na police report na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia, isinailalim sa surveillance ang mga suspek kaugnay sa pagbebenta ng shabu sa kanilang barangay.

Nang magpositibo ang surveillance ay ikinasa ng mga operatiba ng Bacoor Drug Enforcement Unit sa pakikipag-ugnayan sa PDEA 4A ang buy-bust operation laban sa mga suspek.

Lingid sa kaalaman ng mga suspek na ang kanilang ka-deal sa drug trade ay isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer kaya nasakote ang mga ito.

Hindi na nakapalag ang mga drug courier kung saan isinailalim na sila sa drug test habang ang nasamsam na shabu na 5 gramo ay pina-chemical analysis para gamiting ebidensya sa kasong paglabag sa RA 9165. Mhar Basco