ARESTADO tatlong drug personalities, kabilang ang isang babae na listed bilang high value individual (HVI) matapos makumpiskahan ng higit P.9 milyon halaga ng shabu sa buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr, ang naarestong mga suspek na sina Regina Joan Cruz alyas “Joan”, 40-anyos, (HVI) ng Gilmar Place, Brgy., 168, Deparo; Jhunrey Lomonggo, 30-anyos, at Christian Salinel, 30-anyos, kapwa residente ng Freetown St., Vista Verde North Caybiga ng nasabing lungsod.
Ayon kay Mina, dakong alas-12:10 ng hatinggabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni Lt. Gilmer Mariñas, kasama ang 6th MFC RMFB-NCRPO ng buy bust operation sa Gilmar Place, Brgy. 168, Deparo matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa pagbebenta umano ni Cruz ng ilegal na droga.
Isang pulis na umakto bilang poseur-buyer ang nagawang makipagtransaksyon kay Cruz ng P40,000 halaga ng droga at nang matapos ang transaksyon ay agad lumapit ang back-up na mga operatiba at inaresto ang suspek.
Kasama rin dinakip ng mga operatiba si Lomonggo at Salinel na sinasabing mga parokyano ni Cruz matapos makumpiskahan ng dalawang medium transparent plastic sachets na naglalaman ng shabu.
May kabuuang timbang na humigit-kumulang 135 gramo ng shabu na may standard drug price P918,000.00 ang nakumpiska sa mga suspek kasama ang buy bust money na isang tunay na P1,000 bill at 39 pirasong P1,000 boodle money.
Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Director BGen. Jose Hidalgo Jr, ang Caloocan police SDEU sa matagumpay na drug operation na naging dahilan aniya upang mapigilan ang paglaganap ng illegal na droga sa area ng NPD.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. EVELYN GARCIA