ILOILO – NASAMSAM ng mga awtoridad ang mahigit P2.1 milyong halaga ng shabu sa operasyong ikinasa ng Iloilo City Police Office.
Nagsimula alas-4 ng madaling araw ng Oktubre 2 hanggang alas-4 ng umaga ng Oktubre 3 ay nagresulta sa pagkakaaresto ng tatlong high-value individuals.
Nasabat ang nasa 200 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1.3 milyon sa operasyon sa Barangay Boulevard, Molo, bandang 11:55 ng umaga nitong Miyerkules.
Nakuha ng mga operatiba ang 11 transparent plastic sachets na naglalaman ng shabu mula sa suspek na si alyas ‘Stephen,’ residente ng Barangay South San Jose.
Isinagawa rin ang isa pang buy-bust operation sa Barangay Calajunan, Mandurriao na nagresulta naman sa pagkakaaresto kay alyas ‘Iren,’ 48, at residente ng Barangay Buyu-an ng Tigbauan kung saan nakuha sa kanya ang nasa 50 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P340,000.
Samantala, 66 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P448,000 ang nakumpiska sa operasyon na isinagawa dakong alas 3:20 ng hapon ng kaparehong araw kung saan naaresto naman ang 59-anyos na suspek na si alyas ‘Jerry Boy’ ng Barangay Veterans Village, City Proper.
EVELYN GARCIA