3 DRUG TRADERS TIKLO SA P840K MARIJUANA

Marijuana

BAGUIO CITY — TATLONG bagitong drug traders ang nasakote ng mga operatiba ng pulisya katuwang ang PDEA-Baguio agents  makaraang makumpiskahan ng P840 K halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana sa border control area sa bahagi ng Magsaysay Avenue ng lalawigang ito noong Linggo ng gabi.

Kinilala ang mga suspek na sina Manuel Sanchez Balbuena, 22-anyos ng Sunnyside Fairview, Tacay Road, Baguio City; Jasmine Vince del Mundo File, 28-anyos ng Torres St. Middle Quezon Hill; at Keihl Gio Paraan Bangued, 22-anyos ng Lower QM, Baguio City.

Ayon kay Baguio City police director Col. Allen Rae Co, nakatanggap ng impormasyon ang pulisya kaugnay sa tangkang pagpupuslit ng kontrabando ang mga suspek kaya inilatag ang anti-drug operation sa border control point ng nasabing lungsod.

Namataan ng mga awtoridad ang itim na Toyota Fortuner na may plakang ZHX 404 mula sa La Trinidad , Benguet kaya pinatigil sa itinayong checkpoint sa Baguio City upang rekisahin ang loob ng sasakyan na lulan ang mga suspek.

Subalit, hindi huminto ang SUV at pinaharurot ito kaya nagkahabulan bago nakorner naman sa isa pang Quarantine Control point sa nabanggit na lungsod.

Nadakip ang mga suspek at  nasamsam ang 7 kilong  marijuana na nakalagay sa 7 tubes na ibinalot sa berdeng papel na may street value na P840K.

Sa pahayag ni PDEA-Cordillera regional director Gil Castro, ang mga suspek ay high on drugs pa dahil isa sa kanila ay nakangiti pa nang arestuhin.

Isinailalim na sa drug test ang mga suspek habang inihahanda na ang kasong paglabag sa RA 9165 na isasampa sa prosecutor’s office. MHAR BASCO

Comments are closed.