LUNGSOD NG MALOLOS – Kaugnay ng 1st Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) ng Office of the Civil Defense sa Central Luzon, tatlong iba’t ibang earthquake drill scenarios ang sabay-sabay na isinagawa sa mga bayan ng Angat at Doña Remedios Trinidad at Lungsod ng San Jose Del Monte, Bulacan kamakalawa.
Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, kabilang dito ang senaryo ng Angat Dam Break na ginanap sa Barangay Sto. Cristo Covered Court, Angat, Bulacan, habang landslide naman sa bayan ng DRT at Collapsed Structure Search and Rescue (CSSR) sa Lungsod ng San Jose Del Monte.
Ayon kay Regional Director Marlou Salazar ng Office of the Civil Defense Central Luzon, ang Bulacan ang pilot project para sa tatlong sabayang earthquake drill scenarios kapag may naganap na 7.2 magnitude earthquake.
Ipinaliwanag ni Ma. Lourdes Alborida ng Angat Municipal Disaster Risk Reduction Management Office na ang dam break scenario sa kanilang bayan na sanhi ng malawakang lindol ay magdudulot ng biglaang pagtaas ng antas ng tubig sa Ilog Angat na aabot sa 21 metrong lalim na magreresulta sa malawakang pagkasira ng mga ari-arian.
Direktang makaaapekto ang nasabing scenario sa 10 munisipalidad sa Bulacan kung saan dumadaloy ang Ilog Angat kabilang ang Norzagaray, Angat, San Rafael, Bustos, Baliwag, Plaridel, Pulilan, Calumpit, Paombong at Hagonoy.
Ipinunto rin niya na base sa pag-aaral, ang inisyal na dam break scenario na pinalala ng 7.2 magnitude na lindol na magpapalubog sa 11 barangay sa bayan ng Angat habang limang barangay ang mahihiwalay dito sanhi ng inaasahang pagguho ng Sta. Lucia Bridge kung kaya magtatayo ng evacuation center sa bahagi ng Barangay Banaban.
Samantala, ang mga residente ng mismong bayan ay aatasang magtungo sa Encanto Elementary School sa Barangay Encanto na pinakamataas na bahagi ng nasabing bayan.
Sa isang panayam, sinabi ni Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado na dapat seryosohin ang mga ganitong pagsasanay sapagkat dito nakasalalay ang kaligtasan ng mga buhay at ari-arian.
“Maliban sa taimtim na pananalangin, ang pagiging handa at maalam kung ano ang ating dapat gawin bago, sa oras at pagkatapos ng mga sakuna ay makapagliligtas hindi lamang ng mga ari-arian ngunit lalo’t higit ng ating mga buhay,” ani Alvarado. A. BORLONGAN
Comments are closed.