3 EKTARYANG LUPA KADA AGRI GRADUATE IPAGKAKALOOB NG DAR

DAR

NAKAHANDA ang Depart ment of Agrarian Reform (DAR) na pagkalooban ang mga nakapagtapos ng Agrikultura ng tig-3 ektaryang lupa.

Sa ‘Buhay sa Gulay’ urban farming program launch sa Quezon City noong Biyernes, sinabi ni DAR Secretary John Castriciones na ito ay upang makatulong na pasiglahin ang interes ng mga kabataan sa agrikultura.

“Isa pa sa mga programa ng agrarian reform na ang bawat agriculture graduate na interesadong gamitin ang kanilang pinag-aralan sa agrikultura, kami ay nakahandang magbigay ng lupa na at least tatlong ektarya sa bawat agri graduate. ‘Yan ay para talagang mahalin ng mga mamamayan ang pagsasaka,” sabi ni Castriciones.

Aniya, ang insentibo ay para mahikayat ang mga kabataan na papasok sa kolehiyo na piliin ang agrikultura bilang kanilang kurso.

Ang insentibo ay kabilang sa mga nilalaman ng Republic Act 6657 o ang  Comprehensive Agrarian Reform Law na inaprubahan noong 1988.

Sinabi ni Castriciones na hindi niya alam kung bakit hindi ito naipatupad at ito ang unang pagkakataon na magbibigay ang DAR ng naturang insentibo.

“Hindi pa ito naipatupad simula noon at ngayon lamang ipapatupad sa ilalim ng ating administrasyon at lahat ng mga interesado na agriculture graduate ay mabibigyan ng maximum na three hectares, mayroon na kaming mga nakalaan, naka-slate na bibigyan,” dagdag pa niya.

Ayon pa kay Castriciones, mamamahagi sila ng may 150 hanggang 20 ektaryang lupa sa agriculture graduates mula sa Cagayan State University sa katapusan ng Enero.

Dagdag pa niya, may 50 ektaryang lupa sa Palawan ang ipagkakaloob din sa agriculture graduates.

“These are what we call government-owned lands that will be awarded for free to our graduates of agriculture courses,” ani Castriciones.   PNA

Leave a Reply

Your email address will not be published.