3 FAKE NBI AGENTS TIMBOG

NBI AGENTS

PASAY CITY – BUKING ang raket ng tatlong lalaki na nagpapanggap umanong agent ng National Bureau of Investigation (NBI) sa entrapment operation sa lungsod na ito.

Kinilala ang mga suspek na sina Ronald de Rosales, Christian alyas Mat-Mat, Christian Maximo at Rolroyce Figuerao alyas John.

Ayon kay NBI Deputy Director for Forensic Investigation Service Spokesperson Ferdinand Lavin, nag-ugat ang pagkakaaresto ng mga suspek sa reklamo ng isang Chinese na kanilang kinikilan ng umaabot sa P855,000 upang maayos ang kanyang kaso matapos itong maaresto ng Pasay police dahil sa kasong illegal possession of firearms at driving without license noong Setyembre 3.

Ang nasabing kaso ay kasalukuyan na umanong dinidinig sa korte at ang mga suspek ang kunyaring tumutulong sa complainant upang maayos ang kanyang kaso sa pamamagitan ng paghingi ng pera sa bawat transaksiyon.

Inunti-unti umanong hiningi ng mga suspek ang nasabing halaga hanggang sa magduda na ang com­plainant at inalam sa tanggapan ng NBI kung totoong mga ahente ng ahensiya ang mga ito.

Dito na napag-alaman na mga pekeng NBI agent ang tatlo dahilan upang planuhin ang entrapment operation na nagresulta ng kanilang pagkakaaretso.

Ayon pa sa NBI, kanilang paiimbestigahan ang po­sibleng kasabwat ng mga suspek kung saan hindi naman direktang sinabi kung kasabwat ang Pasay police ng mga suspek.

Makikipag-ugnayan din ang ahensiya sa PNP dahil lisensiyado umano ang mga baril na nakumpiska sa mga suspek na ginagamit sa kanilang maling aktibidad.

Kakasuhan ng robbery extortion, usurpation of authority at falsification of official documents ang mga suspek.   PAUL ANG

Comments are closed.