SINA (mula sa kaliwa) Mighty coach Jayvee Roxas, NYBL president Butz Arimado, team owner Jillian Roxas, marketing director Donnah Dela Cruz, Skip coach Cindrey Balignasay at asst, coach Ryan Bautista sa TOPS ‘Usapang Sports’ nitong Huwebes. Kuha ni RUDY ESPERAS
MASUSUKAT ang kakayahan ng homegrown squads sa pakikipagtuos sa tatlong foreign teams sa National Youth Basketball League (NYBL) Philippines 1.0 Edition Invitational Youth Championships na lalarga mula Hulyo 10 hanggang 14 sa Lourdes School gymnasium sa Mandaluyong City.
Sinabi ni NYBL president Fernando ‘Butz’ Arimado na kumpirmadong kalahok ang mga koponan mula sa Dubai, Saudia Arabia at Mongolia para sa apat na araw na pocket tournament na magsisilbing pampagana para sa mas malaking torneo na ilalatag ng liga sa susunod na buwan.
May apat na bracket — 17-under, 15-under, 13-under at 11-under – ang paglalabanan.
“Parang pampagana lang muna ito at paghahanda na rin ng ating mga manlalaro para sa gagawin nating mas malaking tournament sa susunod na buwan,” sabi ni Arimado sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ nitong Huwebes sa PSC conference hall sa Rizal Memorial Sports Complex (RMSC) sa Malate, Manila.
“‘Yung passion natin sa basketball at misyon nating matulungan ang mga kabataang Pinoy na mabigyan ng pagkakataon na makalaro sa malaking liga ang motivation natin para ipagpatuloy ang NYBL at salamat naman sa Diyos at maging sa abroad ay kinikilala na rin tayo,” pahayag ni Arimado sa programa.
Kasama ni Arimado sa programa sina Pasig Mighty Juggernauts coaches Jayvee Roxas, Ryan Bautista at team owner Jillian Roxas; Antipolo Skip Basketball squad coach Cindrey Balignasay at NYBL marketing Director Donnah Dela Cruz.
“Ito ang paraan natin para matulungan ang mga kabataan sa ating barangay na mabuikd yung kanilang character. Yung mailayo sila sa mga bisyo at makakuha ng scholarship through basketball ay malaking achievement na para sa aming organisasyon,” ayon kay Jillian Roxas.
Sinabi ni Roxas na ilan sa miyembro ng kanilang koponan ay mula sa De La Salle-Zobel dahilan para tagurian ang kanilang grupo na ‘team to beat’ tulad ng San Beda College.
“‘Yung amin kasing community may connection sa La Salle-Zobel in terms of students relationship, dahil ilan na rin sa mga players namin ang naging scholar sa eskwelahan,’ sabi ni coach Roxas.
Ang iba pang kalahok na koponan ay ang Montalban, Bataan, Extreme Defense, Siklab Bataan, RPBC, Tipas, at Locked-In
CLYDE MARIANO