3 FOREIGNERS HULI SA KIDNAPPING

ARESTADO ang Vietnamese at isang Chinese makaraang dukutin ang Vietnamese na nasagip ng pulisya sa ikinasang raid sa isang condominium unit sa Pasay City nitong Huwebes ng madaling araw.

Ang mga nadakip ay nasa edad 24, 26 at 27 na pawang nakatira sa isang condo sa Roxas Boulevard, Pasay City.

Nasa pangangalaga na ng mga awtoridad ang nasagip na 29-anyos, isang Vietnamese, dalaga, at nakatira naman sa isa ring condominium building sa Pasay City.

Sa ulat ng Pasay City Police, dakong alas-3 ng madaling araw nang salakayin nila ang unit ng mga suspek makaraan ang paghingi ng tulong ng Singaporean national at sinabing dinukot ang kaniyang girlfriend noong Setyembre 25 dakong alas-6:19 ng umaga sa Pasay City kung saan kumontak sa kaniya ang mga suspek at nanghiningi ng P900,000.000 na ransom na naibigay niya sa pamamagitan ng online transfer.

Sa kabila nito hindi pa rin pinalaya ang kanyang nobya.

Dahil dito ikinasa na ang operasyon sa mga suspect na naging daan sa pagkaaresto sa kanila at pagkasagip sa biktima.

SNabatid rin mula sa biktima na sinasaktan siya ng mga suspek at ipinipilit na dagdagan pa ang ransom.

Sinampahan na ng kasong kidnapping for ransom ang tatlong dayuhan sa Pasay City Prosecutor’s Office, habang nakatakdang makipag-ugnayan ang pulisya sa embahada ng mga dayuhan at sa Bureau of Immigration para maiparating ang impormasyon sa kanila.