ILAGAN, Isabela – Tinulungan ng triple at long jumper na si Rufo Aidan Raguine ang Pangasinan na masungkit ang gintong medalya sa boys’ 4×100-meter relay upang magwagi ng tatlong gintong medalya sa centerpiece athletics sa Batang Pinoy Luzon leg kahapon sa City of Ilagan Sports Complex dito.
Hindi nakatakbo sa heats matapos sumakit ang kaliwang paa, binitbit ng 14-anyos na si Raguine ang mga kakampi na sina Redz Jeronimo Banaag, Irish Vergel Cabanayan at Justine Angelo Muñoz sa pagtatala ng pinakamabilis na 46 segundo upang idagdag ito sa kanyang napanalunan sa long jump noong Miyerkoles at triple jump noong Huwebes.
Una nang hindi nakatakbo si Raguine sa heats dahil kalahok ito sa triple jump kung saan nito natamo ang injury.
Naitala naman ni Erica Marie Ruto ng Calamba City ang pinakamabilis na oras sa 400m heats sa 1:01.82 upang ihanda ang sarili sa pagsalo kay Raguine na makahablot ng tatlong ginto matapos na unang magwagi sa sprint distance na 100m at 200m dash.
Gayunman ay bigo si Ruto na pantayan ang kanyang personal best 59 seconds na ginawa sa Vigan noong nakaraang taon.
“Hindi ko man nagawa ay masaya at nanalo ako” sabi ni Ruto na tatakbo sa 4x400m relay.
“Ang tatlong ginto ko ang nagpataas sa aking morale pagsali ko sa Palarong Pambansa, tatakbo ako sa 100m at 200m,” wika ni Ruto ng Canlubang.
Binigyan ni Gilbert Andrei Velasco ang Naga City ng isa pang ginto sa boys high jump sa 1.65 meters at nag-ambag ang kanyang kababayan na si Jakmanm Kell Bonos ng isang pilak.
Winalis naman ng Dasmariñas City ang apat na gintong medalyang nakataya sa Standard habang dalawa sa apat sa Rapid ang iniuwi nito upang ipadama ang dominasyon sa chess.
Naisubi ni Michael Concio, Jr. para sa Dasmariñas City ang ginto sa Standard Boys 15-under, wagi si Jerlyn Mae San Diego sa Girls 15-under, naghari si Daren Dela Cruz sa girls 12-under at nadominahan ni Gio Troy Ventura ang boys 12-under upang iuwi ang pinakamaraming ginto para sa pangunahing lungsod sa Cavite.
“Mas maganda ang kampanya namin ngayon dahil ang Standard talaga ang hinahabol namin,” sabi ni Dasmariñas City coach Ruel Abelgas, sa ikat-long sunod na pagsungkit sa unang puwesto sa Luzon leg habang ang siyudad din ang kampeon sa national finals.
Samantala, inagaw ng Laguna ang liderato sa Baguio na may 28-30-27 at bumagsak ang Highlanders sa ikalawang puwesto sa 27-31-48. Pumapangatlo ang Quezon City na may 24-17-10, isang araw bago magwakas ang weeklong competition na nilahukan ng mga atleta na may edad 15 pababa. CLYDE MARIANO
Comments are closed.