CAGAYAN– TATLONG gunrunner ang nasakote ng mga kagawad ng pulisya na umano’y nagbebenta ng mga malalakas na uri ng armas nang tangkaing ipuslit sa mga checkpoint upang ibenta sa kanilang mga parokyano sa mga bayan ng nasabing lalawigan, nang masabat sa bayan ng Enrile.
Kinilala ni P/ Major Lorvinna A. Layugan, hepe ng Enrile Police Station ang tatlong suspek na gunrunner na sina Jorge Matallug, 40-anyos, residente ng Barangay Annafunan East, Tuguegarao City; Franklin Alvares, 34-anyos; at Reynante Alvares, 40-anyos, na magpinsan at kapwa residente ng Barangay San Vicente, Tuguegarao City, Cagayan.
Pahayag ni P/Lt, Col. Romeo Dela Trinidad ng Criminal Investigation and Detection Group na nakumpiska sa sasakyan ng mga suspek ang dalawang cal.45, isang M16 rifle, dalawang rifle grenade, isang hand grenade, isang 9mm pistol at mahigit 100 bala ng iba’t ibang uri ng baril at magazine.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang malaman kung saan nila dadalhin ang mga armas at kung sino-sino ang mga parokyano o pagbebentahan ng mga naturang ilegal na baril ng mga suspek.
Nabatid pa na wanted sa batas si Matallug dahil sa kasong robbery at nasangkot sa gunrunning activities sa lambak ng Cagayan.
Nasa kustodiya na ng CIDG-Region 2 ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act of 2013.
Pinuri naman ni P/Chief Supt. Jose Mario Espino, regional director ng PNP Cagayan, ang PNP Enrile sa pagkakasakote ng tatlong gunrunner.
Ayon sa PRO-2 director, kung sakali umanong nakalusot ang mga armas ay maaring magamit ng mga holdaper sa lalawigan ng Cagayan. IRENE GONZALES
Comments are closed.