3 HOLDAPER SILAT SA INSIDE JOB

LAGUNA- HINOLDAP ng tatlong holdaper ang sekretarya ng isang multi- national company habang sakay ng Mitsubishi Montero na nakahinto dahil sa tindi ng trapik sa kahabaan ng Old highway, Sta Rosa City nitong Miyerkules ng umaga.

Sa report ni Col. Cecilio Ison Jr., Laguna PNP provincial director kay Calabarzon PNP chief BGeneral Antonio Yarra, kinilala ang biktima na si Jenelyn Perilla, 26-anyos, may- asawa at reidente ng Poblacion , Sta. Rosa, Laguna.

Mabilis naman nasakote ang dalawang suspek nang habulin at isumbong ng biktima sa mga nagpapatrolyang awtoridad ang dalawang papatakas na holdaper.

Nakilala ang tatlong suspek na sina Amen Umpa, 27-anyos, construction worker ng Barangay Caingin, Sta. Rosa; Renato Aquino ,50-anyos ng Barangay Langkiwa , Binan city at Ramon Ozaeta, 21-anyos, walang permanenteng tirahan.

Sa ginawang imbestigasyon ng Binan police force, patungo umano sa bangko si Perilla para magdeposito ng pera ng kaniyang amo nang biglang mag-announced ng holdap sina Umpa at Ozaeta habang nakahinto sa gitna ng trapik ang kanilang sinasakyan.

Tinutukan umano ng dalang baril ng mga suspek ang biktima sa bintana ng SUV na bahagyang nakabukas.

Ayon kay Perilla agad umano siyang bumaba ng sasakyan matapos na makuha ng mga suspek ang pera at hinabol niya ang mga ito.

Tiyempo naman na nagpapatrolya ang ilang operatiba ng Binan PNP at mabilis na nahuli sina Umpa at Ozaeta.

Nang dalhin sa presinto ang dalawang suspek dito na nila itinuro ang driver ng Montero na si Renato Aquino na siyang mastermind sa nasabing panghoholdap.

Sinabi ni Umpa na si Aquino ang nagplano na sa traffic lights nila isasagawa ang holdap at ang pagbaba ng bintana ng SUV ang senyales na nasa tapat nun ang kinalalagyan ng pera.

Nakakulong ngayon sa Binan custodial cell ang mga suspek. ARMAN CAMBE