NAKATAKDANG ipa-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong foreign nationals na naaresto ng mga tauhan ng militar sa Basilan dahil sa pagpasok sa bansa nang walang mga kaukulang papeles.
Ayon sa report na nakarating kay Immigration Commissioner Jaime Morente, galing sa BI-Anti-Terrorist Group (ATG), kinilala ang tatlong dayuhan na sina Tsui Tsz Kin , Ho Chun Wai at Wong Po, pawang galing pa sa Hongkong Special Administrative Region.
Sinabi ng ATG, na nasakote ang tatlong dayuhan ng mga ito sa vicinity ng Pilas Island, Hj Mutamad, sa may Basilan nitong nakaraang linggo lulan ng kanilang speedboat na naubusan ng gasolina sa kalagitnaan ng dagat.
Sa kasalukuyan ay sumasailalim sa masusing imbestigasyon ang tatlong dayuhan upang malaman kung may kinalaman ang mga ito sa drug trafficking, human trafficking at smuggling sa backdoor.
Sa isinagawang inisyal na imbestigasyon ng BI, sinabi ng tatlo na “ they are just conducting testing procedures sa kanilang speed boat” at aniya napadpad sila sa karagatan ng Pilipinas dahil sa sama ng panahon.
Nakuha sa tatlong foreigner ang iba’t ibang high-tech cellular phones, satellite phones, GPS devices, at credit cards.
Pansamantalang, nakakulong ang mga ito sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang inaayos ang kanilang deportation proceedings. At bukod dito, inihanda na ang kasong kriminal laban sa tatlo dahil sa paglabag sa Philippine Immigration Act. FROI M