TATLONG high value individuals (HVI) ang nalambat sa inilatag na buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) at District Intelligence Division (DID) na nasasakop ng Southern Police District (SPD) na nakumpiskahan ng P3,434,000 halaga ng shabu nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ni SPD director Brig. Gen. Jimili L. Macaraeg ang mga HVI suspect na sina Eduardo Arciaga Ocampo a.k.a. Allen, 47-anyos; Mike Chavenia, 24-anyos, parking boy; at Almer Aguiliña Gula, 33-anyos, pawang mga residente ng Parañaque City.
Base sa report na natanggap ni Macaraeg, naganap ang matagumpay na pagkakasa ng operasyon ng DDEU at DID laban sa mga suspek dakong alas-10:30 ng gabi sa Puyat Compound, Barangay Tambo, Parañaque City.
Sa naturang operasyon ay nakarekober ang mga operatiba sa posesyon ng mga suspek ang isang heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng shabu, 5 nakataling transparent plastic ice bag na naglalaman din ng shabu, 1 itim na hand bag, 1 kulay pulang sling bag at ang P1,000 na ginamit bilang buy-bust money na nakapatong sa 7 tig-isang libong boodle money.
Ang nakumpiskang ilegal na droga na tumitimbang ng 505 gramo ay nagkakahalaga ng P3,434,000 ma gagamitin bilang ebidensiya sa pagsasampa ng kaso laban sa mga suspek ay itinernober sa SPD Forensic
Unit para sumailalim sa chemical analysis.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 sa ilalim ng Art II ng RA 9165 ang mga suspects na kasalukuyang nakapiit sa detention facility ng DDEU. MARIVIC FERNANDEZ