MAAARING gigil na gigil ka na sa naisip mong negosyo. Gusto mo nang mapabilang sa mga mainit na startup at magpayaman nang husto. May mga kinakausap ka nang mga investor at mga co-founder mo.
Pero, teka muna. Handang-handa ka na ba talaga? Silipin mo lang itong tatlong bagay na dapat mong gawin:
#1 Mag-ipon Para sa ‘Tag-Ulan’
Oo nga, tag-ulan na ngayon. Ganyan din sa mga unang buwan ng pagnenegosyo. Dahil ‘di pa siya masyadong establisado, dapat may ipon ka para sa sarili mo. Kaya naman bago ka sumalang, siguraduhing may pera kang panggastos sa araw-araw. Siguro sapat na ang pang anim na buwan. Mabuti na ‘yung sigurado lalo na kapag may emergency. At kapag tumatakbo na ang negosyo, siguraduhing nababayaran mo ang sarili mo, ha.
#2 Dapat May Solid Kang Plano
Ang dami diyan, sinasabing sure ball sila sa negosyo nila. Kapag tinatanong ko kung solid ang plano, sasabihin na, ‘Oo’ raw. Kapag hiningi ko nang makita ito, isang pahinang Word na dokumento ang mayroon. Mas malala ‘yung nasa napkin ang plano.
So, ano ang ihaharap mo sa mga investor? Bukad sa simpleng Powerpoint presentation, mas mainam na naka-Excel na ito para sa mga numero gaya ng budget, etc. Kung wala man lang ganito, hindi solid ang plano. O kaya – walang plano!
Bargain sa palengke ang mga sabi-sabing plano kung walang maayos na nakasulat. Kuwentong barbero, wika nga nila. Tandaan, kung ‘di nakasulat, walang mangyayari dahil ‘di ka seryoso.
#3 Matuto sa Nakaraan
Sa Amerika, mas higit na nakararami ang mga nagtatagumpay na startup kung ang nagtayo ay edad 50 pataas. Bakit? Kasi malawak at mahaba ang ekspiryensiya nila. Galing na sila sa iba’t ibang labanan ng pagnenegosyo.
Kung ikaw ay below 40 na edad, mas makabubuting makipag-usap sa mas nakatatanda para malaman ang ‘di dapat at dapat mong gawin para magtagumpay. Pakinggan sila. Kunin mo sila sa board of directors o bilang consultant. Malaking bagay ang may mga ganitong tao sa pagnenegosyo para ‘di ka nangangapa.
Ang pagtatayo ng startup na negosyo ay ‘di biro. Kahit marami kang kapital, ‘di ka dapat kampante. Ang maayos na preparasyon ay 50% nang tagumpay. Kaya maghandang mabuti. Ayusin ang mga plano at magtanong sa mga eksperto.
Sa huli, wala kang pagsisisihan dahil malamang, nakaumang na ang tagumpay mo!
Comments are closed.