SULU – ISASALIN na ng Philippine government sa Indonesian authorities ang tatlong kidnap victims na ngayon ay nasa headquarters ng AFP – Western Mindanao Command sa Zamboanga City makaraang maisalba ito sa Indanan.
Ayon kay Wesmincom Spokesperson Lt. Col. Gerry Besana, bunsod ng matinding military pressure na pinangunahan ng Joint Task Force Sulu ay nakalaya ang tatlong bihag bandang alas-4:00 ng hapon sa Barangay Buanza.
Kinilala ni Besana ang tatlong kidnap victims na sina Hamdam Bin Salim, 27-anyos; Sudarian Samansung, 41-anyos at Subande Satto, 27-anyos.
Nabatid na namataan ng mga residente ang tatlong banyagang bihag na agad na inihatid sa lokal na pamahalaan at agad tinur-over kay JTF Commander Brig. Gen. Divino Rey Pabayo, dating Sulu Gov. Abdusakur Tan at Sulu Police Provincial Chief na si Sr. Supt. Labra.
Dinukot ang tatlong banyagang bihag noong January 18, 2017 habang sakay ang mga ito sa kanilang speedboat sa may karagatan ng Taganak Island, Tawi-tawi.
Bilang routine procedures ay dinala muna ang tatlo sa military hospital sa Sulu para isailalim sa medical examination.
Inamin naman ng militar na tumulong din sa paglaya ng tatlong Indonesian sina Tarhata Misuari, Kiram Misuari at dating Gov. Abdusakur Tan.
Ipiprisinta ang mga bihag kay Wesmincom Commander Lt. Gen. Arnel Dela Vega at saka ite-turn over sa Ambassador ng Indonesia. VERLIN RUIZ
Comments are closed.