CAMP CRAME – SINIPA sa puwesto ang tatlong intelligence officer ng Philippine National Police (PNP) nang ilabas nila sa ilegal na paraan ang impormasyon kaugnay sa profiling sa mga miyembro ng Alliance of Concerned Teachers (ACT).
Sa Monday regular press conference, inamin ni PNP Chief, DG Oscar Albayalde na may nilabag na protocol ang tatlong intel operatives na mula sa Manila Police District station 3, Quezon City Police District Office station 6 at sa Zambales Provincial Police Office.
Aniya, sa standard operation procedure ng pulisya, hindi dapat naglalabas ng impormasyon ang kanilang mga tauhan kung walang pahintulot ng organisasyon lalo na sa mga sensitibong bagay o mga balitang hindi pa napapanahon isapubliko.
Paglilinaw rin ni Albayalde na wala siyang utos na imbestigahan ang mga miyembro ng ACT na isa sa mga grupong idinidikit sa Communist Party of the Philippines at New People’s Army.
Sinabi rin ng opisyal na hindi dapat kabahan ang mga miyembro ng ACT lalo na kung wala naman silang ginagawang masama o labag sa mga umiiral na batas.
Nauna rito ay sinabi ng ACT sa kanilang pahayag na ilang tauhan ng PNP ang nag-iikot sa mga paaralan at kinukuha ang pangalan ng kanilang mga miyembro.
Sinabi rin ng Commission on Human Rights (CHR) sa hiwalay na pahayag na bawal ang profiling ng PNP, sakaling mayroon man. EUNICE C.
Comments are closed.