HINDI maitatatwa na ang Pilipinas ay isang bansa na puno ng natural na ganda at kultura na kahanga-hanga.
Ito ay kilala sa mga magagandang tanawin, puting buhangin, malinaw na dagat, at malakas na kultura.
Mayaman ang bansa sa likas-yaman, at ito ay isang paraiso para sa mga mahihilig sa kalikasan at mga paboritong destinasyon.
Siyempre, isa sa mga pangunahing atraksyon ay ang mga world-class na tanawin ng mga bulkan, kagubatan, at mga tanawin tulad ng Mayon Volcano, Banaue Rice Terraces, at Chocolate Hills.
Masasabing ang mga ito ang nagbibigay-diin sa kagandahan ng likas-yaman ng bansa at ang husay ng mga Pilipino sa pag-aalaga dito.
Sa katunayan, nakasama ang tatlo sa mga magagandang isla sa Pilipinas sa “The best islands in Asia: Readers’ Choice Awards 2023” ng Conde Nast Traveller o cntraveller.com.
Nanguna ang Bali, Indonesia na nakakuha ng iskor na 91.08 habang pumangalawa naman ang Koh Samui, Thailand na may puntos na 91.07.
Pangatlo naman ang Boracay na kilalang isla sa Kanlurang Kabisayaan ng Pilipinas. Kilala ito sa puting buhangin, malinaw na karagatan, at magandang tanawin. Hindi lang ito kilala sa bansa kundi maging sa buong mundo dahil sa kanyang natural na kagandahan.
Matatagpuan ang isla sa Hilagang kanlurang bahagi ng Panay Island sa lalawigan ng Aklan.
Noong unang panahon, isang tahimik at malayong pook-dalampasigan ang Bora. Subalit, noong dekada ‘70, natuklasan ito ng mga turista at unti-unti itong naging kilalang destinasyon sa bansa.
Sa paglipas ng mga taon, dumami ang mga resort, hotel, at iba’t ibang pasilidad sa isla upang mas lalong maging komportable at kaaya-aya ang paglaganap ng turismo.
Pasok din naman sa listahan ang isla ng Palawan matapos makasungkit ng iskor na 89.71. Isa ito sa mga pangunahing isla sa Pilipinas na kilala sa buong mundo dahil sa kanyang likas na kagandahan.
Binubuo ang isla ng mga kabundukan, mga kuweba, mga putikang banyo, kagubatan, at mga puting buhangin.
Nariyan sa isla ang Puerto Princesa Subterranean River (Puerto Princesa Underground River) na isang UNESCO World Heritage Site na may kwebang nasa ilalim ng lupa at mala-paraisong kagubatan.
Nasa Palawan din ang El Nido na kilala sa limestone cliffs, malinaw na tubig, at kagubatan, gayundin ang Coron na isang snorkeling at diving paradise, at maging ang Tubbataha Reefs Natural Park na isa ring heritage site.
Swak din sa Top 10 ang Siargao (87.37) na kilala bilang surfing capital ng bansa.
Ang “Cloud 9,” isang kilalang surfing spot sa Cloud 9 Boardwalk, ay isa sa mga pinaka-kilalang surfing area dito, gayundin ang Sugba Lagoon na isang lugar kung saan ang mga bato at halaman ay nagbibigay buhay sa mga luntiang-tubig.
Taun-taon, ang mga manlalakbay mula sa iba’t ibang panig ng mundo ay naghahanap ng mga islang kahanga-hanga at kagila-gilalas sa Asya. Kaya naman, inilantad ng Readers’ Choice Awards ang mga pinakamahuhusay na destinasyon na ito, kung saan nakasama nga ang tatlong isla sa ating bansa.
Isa ito sa mga dahilan kung bakit dapat nating ipagmalaki at pasyalan ang sariling atin.