TATLONG kahon ng karne ng baboy na sinasabing ‘hot meat’ mula sa bansang France ang nasabat ng mga traffic enforcer makaraang sitahin nila ang isang puting Mercedes Benz 100 van sa bayan ng Bangued, Abra noong Miyerkoles ng hapon.
Ayon sa ulat, nagmamando ng trapiko ang awtoridad sa nabanggit na bayan nang parahin ang isang van na minamaneho ng isang matandang trader na lalaki kung saan kukunin sana ng isa pang trader mula sa Barangay Sinabaan sa bayan ng Bantay, Ilocos Sur.
Nang inspeksiyunin ang likuran ng van ay lumantad ang tatlong asul na kahon na may tatak na Lea Cooper na dadalhin sana sa isang restaurant na pag-aari ng pamilyang maimpluwesya sa nasabing lalawigan.
Gayunman, nang buksan ng mga awtoridad ang tatlong kahon ay lumantad ang mga karne ng baboy na sinasabing hot meat kaya dinala ito sa kinauukulang ahensya ng lokal na pamahalaan.
Samantala, sa panig naman ni Dr. Jomar Zales, Abra Quarantine officer-in-charge, wala silang natatanggap na ulat na may hot meat na nasabat noong Miyerkoles.
Maging si Rose Tesoro, Agricultural Provincial Coordinator ng Abra, na walang anumang ulat na nakarating sa kanilang tanggapan kaugnay sa nasabat na hot meat.
Hindi binanggit kung saan dinala ng mga traffic enforcer ang tatlong kahon ng karne ng baboy na sinasabing naglahong parang bula. MHAR BASCO
Comments are closed.