3 KANDIDATO SA BSKE NAGPASAKLOLO SA PSPG

APAT na buwan bago ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), mayroon nang mga kandidato ang dumudulong sa Philippine National Police – Police Security Protection Group (PNP-PSPG) para malatagan ng proteksyon.

Sa datos, tatlong barangay officials mula sa Pangasinan, Batangas at Laguna ang nagpapasaklolo sa PSPG para sa kanilang seguridad.

Nabatid na dalawa sa kanila ay nakatatanggap ng pagbabanta sa buhay.

Kaya naman matapos isailalim sa masusing threat assessment ay inaprubahan na ng PSPG ang kahilingan ng dalawang barangay officials na mula sa Batangas at Pangasinan.

Ayon kay PSPG Director Police BGen Antonio Yarra, kumpirmado ang mga banta sa buhay ng dalawa kaya binigyan sila ng tig-isang police escort.

Isang barangay official naman mula sa Laguna na may pending request at kasalukuyang sumasalang sa threat assessment.

Inaasahan na umano ng PSPG ang pagdagsa ng request para sa police escort habang papalapit ang barangay at sangguniang kabataan elections.

“We expect na marami rin maga-apply and we are preparing for that and we are conducting in coordination with the other police units and then that is part now of the preparations for the local elections to eliminate ‘yung mga risk factors na present in the area para to prevent election related violence this coming local elections,” ani Yarra.

Alinsunod sa batas, hanggang dalawang police escorts ang maaring ibigay ng PNP sa mga indibidwal na may banta sa buhay depende sa pangangailangan.

Sa kasalukuyan nasa 158 na mga appointed at elected officials mula senador hanggang LGU ang binabantayan 257 pulis mula sa PSPG.
EUNICE CELARIO