CAVITE – TATLONG kawani ng gasolinahan ang inaresto ng awtoridad makaraang maaktuhang sinikwat ang P85k halaga na gasolina sa pinapasukang gasoline station sa Barangay Ligtong 2, bayan ng Rosario, kamakalawa ng umaga.
Kinasuhan sa prosecutor’s office ang mga suspek na sina alyas Bong 19, pump attendant, ng Brgy. Magdiwang sa bayan ng Noveleta; Cindy Abdala y Reynes, 29, kahera, ng Brgy. San Rafael 1, Noveleta; at si Felipe Capones Jr. y Dacanay, 40, security guard, ng Brgy. 22 M, Cavite City.
Base sa ulat ni P/Corporral Lynard Pareja na naisumite sa Camp General Pantaleon Garcia, lumilitaw na naaktuhan ng secuity guard na si Anthony Ramos ng Rephil Gasoline Station ang mga suspek na sinikwat ang 14 litro ng gasolina na inilagay sa water container.
Nabatid din sa log book na nadiskubre ng field auditor na si Benedicto Barrios Jr. na nawawala ang gasolina na nagkakahalaga ng P85,140.72 simula noong Hulyo 31 hanggang Agosto 13, 2019 kung saan nang usisain ang CCTV footage ay namataan ang mga suspek na magkakasabwat na sinisikwat ang gasolina saka inilalagay sa water container.
Dito na inaresto ang mga suspek bago binitbit sa himpilan ng pulisya para pormal na sampahan ng kaukulang kasong kriminal. MHAR BASCO
Comments are closed.