3 KOLEKTOR NA WANTED SA KASONG CARNAPPING, ARESTADO

RIZAL-NAGHIHIMAS sa rehas ngayon ang tatlong lalaking wanted sa kasong carnapping matapos madakip ng pulisya kamakalawa ng hapon sa Taytay.

Nabatid na nahuli ang tatlong akusado sa Verde Oro East Plaza Manila East Road, Barangay San Juan Taytay, Rizal , at Zuri Subdivision Cabrera Road Bargy. Dolores Taytay, Rizal sa magkaibang oras pero sa loob ng isang araw kamakalawa.

Kinilala ang mga akusado na sina Alyas Jean, 27-anyos, collector specialist na residente ng Taytay, Rizal; Alyas Lloyd, 39-anyos, collector at residente ng Quezon, City at Alyas Mark, 23- anyos, field officer na nakatira naman sa Antipolo, City.

Ang mga nahuling akusado ay itinuturing na Most Wanted Person sa Provincial Level.

Ayon sa ulat, inaresto ng Tracker Team ng Taytay Municipal Police Station katuwang ang Provincial Highway Patrol Team ang mga akusado sa bisa ng warrant of arrest na inisyu sa korte kaugnay sa kinasasangkutan nitong kaso na carnapping na may nakalaang piyansa na nagkakahalaga ng P 300,000.00.

Samantala, kasalukuyang nasa kustodiya ng Taytay Custodial Facility ang mga akusado para sa tamang disposisyon at iimpormahan naman ang pinagmulan ng Warrant of Arrest sa matagumpay na pagkaresto ng akusado.

Sa pahayag ni Col Felipe Maraggun, Provincial Director Rizal PPO ay patuloy na nakatuon ang PNP Rizal na tugisin ang mga taong nagtatago sa batas upang matiyak na ang probinsya ay ligtas sa anumang uri ng kriminalidad. ELMA MORALES