3 KOPONAN SASALO SA LIDERATO

Ncaa

Standings

W            L

San Beda             2              0

SSC-R    1              0

CSB                        1              0

Perpetual            1              0

Letran   1              1

LPU                        1              1

EAC                        1              1

Mapua                  0              1

Arellano               0              2

JRU                        0              2

Mga laro ngayon:

(Filoil Flying V Centre)

12 noon – Letran vs JRU (Men)

2 p.m. – Mapua vs SSC-R (Men)

4 p.m. – Perpetual vs CSB (Men)

MAGKAKASUBUKAN ang University of Perpetual Help System Dalta at College of Saint Benilde sa pagpapatuloy ng aksiyon sa NCAA men’s basketball tournament ngayon sa Filoil Flying V Centre.

Kapwa target ng Altas at Blazers na sumosyo sa liderato sa kanilang laro sa alas-4 ng hapon.

Puntirya rin ng San Sebastian na samahan sa unang puwesto ang defending three-time champion San Beda sa pakikipagtipan sa Mapua sa alas-2 ng hapon.

Sa unang laro, tatangkain ng Letran ang ikalawang sunod na panalo matapos ang season-opening loss sa Lyceum of the Philippines University sa pagsagupa sa Jose Rizal University sa alas-12 ng tanghali.

Naka-move on na sa pagkawala ni last year’s MVP Prince Eze, kailangan ng Perpetual Help na kumayod pa nang husto upang makopo ang ikalawang sunod na ‘Final Four’ stint.

Sa kanilang panalo laban sa Cardinals, 80-78, sa kanilang season-opener noong nakaraang linggo, sumandal ang Altas kay Edgar Charcos sa krusyal na sandali.

Sa kanyang huling taon sa Perpetual Help, malaking hamon para kay Charcos ang kanyang bagong papel bilang lider ng koponan.

“Siguro, challenge na rin sa akin iyon, eh,” wika ni Charcos.

“Kailangan ko silang i-guide, kung ano nangyayari sa loob. Kasi ako ‘yung may experience din sa kanila eh, kaya ayun, sinasabihan ko lang sila kung ano ang dapat gawin,” dagdag pa niya.

Galing sa 69-66 panalo laban sa Emilio Aguinaldo College noong nakaraang linggo, ang St. Benilde ay tunay na masusubukan laban sa Perpetual Help.

“The good thing about playing our second game is we have a week of preparation to that game. So hopefully we can settle in, our first game’s over, continue on with our practices and readiness towards games. I feel also that the first game is very important because it really dictates the momentum going into this season,” wika ni Blazers mentor TY Tang.

Ang St. Benilde ay posibleng maglaro na wala ang injured starters nito na sina Clement Leutcheu at Yankie Haruna, at sina Justin Gutang at Jimboy Pasturan ang mangunguna  sa koponan.

Umaasa naman si coach Egay Macaraya na masusundan ng Stags ang 82-51 pagbomba sa Bombers.

Comments are closed.