3 KORONA IDEDEPENSA NI FRAYNA SA PH WOMEN’S CHESS CHAMPIONSHIP

Janelle Mae Frayna

NAKATUTOK ang lahat kay Janelle Frayna sa kanyang pagdepensa sa tatlo sa kanyang mga titulo sa nalalapit na Philippine Women’s Chess Championship grand finals simula sa Nov. 29 sa Philippine Academy for Chess Excellence (PACE).

Si Frayna, ang unang women’s Grandmaster ng bansa, ay three-time reigning champion sa standard chess, blitz, at rapid at pinapaboran sa week-long tournament bilang bahagi ng paghahanda ng national team para sa Asian Games sa Hangzhou, China sa susunod na taon at sa Asian Indoor and Martial Arts Games (AIMAG) sa Thailand.

Subalit hindi inaalis ng 25-anyos mula sa Albay ang posibilidad na masilat siya sa harap ng mabibigat na kalahok na 12 elite players na may kakayahang talunin siya sa lahat ng tatlong kategorya.

“If you will relax, hindi mo mamamalayan mapapalitan ka na next year. So you should always be at your best,” pahayag ni Frayna sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum kahapon sa ground floor ng Rizal Memorial Sports Complex.

“Feeling ko naman right now I’m still at my peak. So I’m looking forward for my fourth crown sa Women’s Chess Championship.”

Kasama ni Frayna sina National Chess Federation of the Philippines (NCFP) Executive Officer Grandmaster Jayson Gonzales at NOVA Wellness store president Vincent Travis Chua sa session na itinataguyod ng San Miguel Corporation (SMC), MILO, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, at ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Pitong young players na nakalusot sa mga serye ng eliminations ang nakapasok sa grand finale at makakalaban nina Frayna, Women’s International Master (WIM) Jan Jodilyn Fronda, WIM Beverly Mendoza, WIM Bernadette Galas, at WIM Marie Antoinette San Diego.

Isang promising player na nakuha ang atensiyon nina Frayna at Gonzales ay si 15-year-old Womens National Master April Joy Claros.

“May gift itong bata na ito,” sabi ni Frayna patungkol kay Claros. “Itong batang ito nakikita ko may talento na siya, may hardwork pa siya. So who knows, only time will tell.”

CLYDE MARIANO