MUNTINLUPA CITY – TATLONG bangkay ng kalalakihan ang natagpuan sa magkakahiwalay na lugar sa Parañaque, Muntinlupa at Pasay City na iniulat kahapon ng Southern Police District.
Ayon sa report na ipinarating sa tanggapan ng Southern Police District (SPD), dakong 7:30 ng umaga nang matagpuan ang duguan at wala ng buhay na si Christopher De Silva, 34, isang caretaker ng kanyang kapatid na si Andy sa #4011 Rosal St., Brgy Santo Nino, Parañaque City.
Sa ocular inspection ng Parañaque City Police ay nakitaan ang biktima ng multiple laceration sa kanyang kaliwang braso at ang bahagi ng hinihigaan nito ay nasunog.
Ang bangkay ni Christopher ay nakalagak ngayon sa Peoples Funeral Morgue para sa safekeeping at isinagawang autopsy.
Dakong 6:00 naman ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng tricycle driver na si Jeffrey De Amor, 32, gamit ang kulay dilaw na nylon cord na nakabigti sa puno ng Ipil-ipil sa tabi ng kanilang bahay sa Makabuhay Extension, NBP Reservation, Brgy. Poblacion, Muntinlupa City ng kapitbahay nito na si Lino Malbago.
Kaagad naman na ipinaalam sa mga awtoridad ang insidente at ang bangkay ni De Amor ay nakalagak sa Loreto Funeral Services, Taguig City para sa isinasagawang imbestigasyon at autopsy.
Samantala, dakong 2:30 ng hapon nang matagpuan ang bangkay ng K-9 handler na si Jomar Panganiban, 37, sa loob ng LTO Building sa Block 7, Electrical Road, Brgy. 191, Pasay City.
Ayon sa pahayag ng bayaw ng biktima na si Police Captain Sunny Longboy, kinakatok niya sa pinto ng kanyang kuwarto ang biktima subalit hindi nito binubuksan ang pinto.
Nang sipilitan itong buksan ay nakita na isa ng malamig na bangkay si Panganiban.
Iniimbestigahan pa ng pulisya ang sanhi nang pagkamatay ng biktima. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.