3 LAWLESS ELEMENTS PATAY SA AFP-PNP JOINT OPERATIONS

TATLONG lawless elements ang napatay sa ikinasang joint PNP-AFP operations nitong nakalipas na Linggo habang apat na high powered firearms ang nasamsam.

Ayon kay Maj. Gen Alex Rillera, Commander ng Joint Task Force Central, naglunsad ng joint law enforcement operation ang mga tauhan ng the Philippine Army 602nd Infantry Brigade at Cotabato Provincial Police Office laban kina Abdullah Kurdotoy at Jonathan Kadalem sa Barangay Macabual, Pikit, Cotabato nitong Sabado ng madaling araw.

Sa ulat bago pa madikitan ng mga awtoridad ang target na bahay ay sinalubong na sila ng sunod-sunod na putok ng baril mula sa grupo ni Kurdotoy kaya agad na nauwi ito sa madugong sagupaan.

Sa unang sigwada napatay ng mga tauhan ng Phil Army at PNP sina Norman Samsudin at Maano Sanday, at pagkaka samsam sa dalawang M16 rifles at dalawang bandoliers. Habang isang tauhan ng PNP ang nasugatan sa sagupaan.

Sa isinagawang hot pursuit operation, nasabat naman ng blocking force mula 34th Infantry Battalion ang mga armadong kalalakihan sa bisinidad ng Sitio Galigayanan, Macabual.

Matapos ang ilang minutong engkuwentro ay napatay naman ang isang alias Baganyan at nakakuha pa ng dalawang M16 rifles at isang homemade shotgun.

Ibinigay sa Pikit Municipal Police Station ang mga bangkay at ang mga nakuhang baril para sa proper disposition.

Samantala, pinapurihan ni Lt. Gen. Roy Galido, Commander ng Western Mindanao Command ang mga tauhan ng 90th and 34th Infantry Battalions at maging ang Cotabato PNP kanilang magkatuwang na pagsisikap. VERLIN RUIZ