MISAMIS ORIENTAL – ITINAKDA ng Bureau of Customs (BOC) kasama ang ibang ahensiya ng gobyerno ang pagbubukas sa tatlong kahina-hinalang magnetic lifters na dumaong sa Mindanao International Container Terminal (MICT) sa Tagoloan.
Kasunod ito ng pag-alerto ng Customs-Manila sa MICT na dadaong ang isang barko mula China na sakay ang magnetic lifters kaya agad pina-hold noong Nobyembre 2018.
Sinabi ni MICT collector John Simon na hinihintay nila ang ilang eskperto upang tuloy-tuloy ang pagbubukas ng magnetic lifters dahil sa sobrang kapal ng mga bakal nito.
Bagaman tiniyak ng opisyal na magiging bukas sa publiko ang nakatakdang pagbukas ng magnetic lifters para agad malaman kung ano talaga ang nilalaman nito.
Magugunitang naging kontrobersiyal ang magnetic lifters nang matuklasan ng PDEA-Manila na ginamit ito ng illegal drug syndicates mula China na paglalagyan ng P11 bilyon na high grade na shabu para ipasok sa Filipinas nitong taon. AIMEE ANOC