3 MEMBERS NG REYES DRUG GROUP TIKLO SA P27-M SHABU

RIZAL- MAHIGIT sa P27 milyong halaga ng SHABU ang nasamsam ng mga operatiba Rizal Drug Enforcement Unit (RDEU) sa bayan ng Angono sa lalawigang ito.

Sa ulat ni Rizal PNP Provincial Director Col. Dominic Baccay kay PRO4A-Regional Director BGen. Antonio C. Yarra, kinilala ang mga bigtime tulak na sina Aries Apeleña y Eburlas alyas Axel, residente ng Malabon City; Dennis Delo Santos y Morallos @ Dennis at Mariz Sedaya y Dela Cruz @ Zyra, pawang mga nasa hustong gulang at mga nasa listahan bilang high value individuals na miyembro umano ng Reyes Drug Group na bago umanong drug group na nakabase sa Binangonan, Rizal.

Nabatid na dakong alas-3:20 ng madaling araw kahapon nang masakote ang mga suspek sa Brgy., Mahabang Parang, Angono, Rizal.

Nakumpiska ng magkakasanib na puwersa ng Rizal Drug Enforcement Unit at Provincial Intelligence Unit (RDEU-PIU) sa pamumuno ni Lt. Daniel Solano sa ilalim ni Maj. Joel Costudio chief Provincial Intelligence Unit sa mga suspek ang 4 kilo at 5 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P27, 234,000.00, shabu paraphernalias at buy bust money.

Nakapiit na ang mga suspek sa Angono PNP detention cell at kinasuhan ng paglabag sa sec. 5 at 11 ng RA9165 habang dinala naman sa Rizal Provincial Forensic Unit ang mga narekober na ebidensiya.
ELMA MORALES